320 total views
Itinuring na welcome development ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang isasagawang imbestigasyon ng International Criminal Court sa madugong war on drugs ng pamahalaan.
Ito ang tugon ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Commission on the Laity sa kahilingan ni ICC prosecutor Fatou Bensouda na buksan ang imbestigasyon sa mga paglabag ng karapatang pantao sa bansa.
Paliwanag ni Bishop Pabillo na layunin lamang nito ay mapanagot ang mga nasa likod ng pagpaslang na hindi dumaan sa wastong proseso ayon sa batas at maiwasan ang culture of impunity.
“Ang gusto lang natin maiwasan ‘yung culture of impunity na magagawa nila ang gusto nilang gawin na hindi mananagot. Kasi bahagi po ng good governance, bahagi po ng democracy ang accountability,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Iginiit ng obispo na nais lamang ng simbahan na mabigyang katarungan ang marahas na kampanya sa iligal na droga kung saan nilalabag ang karapatang pantao ng mamamayan.
Bagamat suportado ng simbahan ang kampanya kontra ipinagbabawal na gamot nanindigan din itong dapat pairalin ang batas at dumaan sa wastong proseso ang mga sangkot na indibidwal.
Batay sa tala ng iba’t ibang human rights groups humigit kumulang sa 30-libong indibidwal na ang nasawi mula nang ipatupad ang Oplan tokhang noong 2016 na karamihan ay biktima ng extra judicial killings.
Pinuna rin ng opisyal ang pamahalaan na nanindigang hindi makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC.
“Nakakalungkot lang kung wala naman silang kasalanan bakit hindi sila magpa-investigate? Bakit hindi sila mag-participate?” ani Bishop Pabillo.
Matatandaang 2019 nang umalis ang Pilipinas sa Rome Statute na nagtatag ng ICC dahil sa nakaambang imbestigasyon ng korte laban sa mga pagpaslang na iniugnay sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.