220 total views
Mas may kapasidad ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na sugpuin ang kalakalan ng illegal na droga sa bansa kumpara sa Philippine National Police.
Ito ang reaksyon ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa muling pagbabalik sa PNP sa war on drugs ng pamahalaan.
Inihayag ng Obispo na ang PDEA ay nakatutok sa pagsugpo sa mga suppliers ng illegal na droga habang ang PNP ay target ang pagpatay sa drug users at pushers.
Giit ni Bishop Pabillo mas epektibo ang ginagawa ng PDEA na lansagin ang mga supplier ng illegal na droga.
“Sinasabi natin na wala naman kapasidad ang PNP para sa pagsugpo ng illegal drugs kaya gumawa ang gobyerno ng PDEA na yan ang kanilang tungkulin at hindi hahabulin hindi yung mga taong maliliit na pagbibitag sa kanila saka papatayin at hindi yung mga suppliers dapat ang hinahabol yung mga suppliers.”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod dito, binalikan rin ng Obispo ang halos 5,000 death under investigation na naitala ng PNP na wala pang nahahatulan at nabibigyang katarungan sa kasalukuyan.
Dahil dito naniniwala si Bishop Pabillo na maaring wala talagang imbestigasyon na ginagawa ang PNP upang mabigyang katarungan ang mga kasong ito ng pagkamatay ng mga hinihinalang drug users at pushers sa buong bansa.
Matatandaang Ika-10 ng Oktubre ng ipinalabas ni Pangulong Duterte ang memorandum na inatasan ang PDEA para solong pangunahan at pangasiwaan ang Anti-illegal Drug Operations sa buong bansa.
Gayunpaman, bago ilipat sa PDEA ang pamumuno sa anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan ay umaabot na sa higit 13-libo ang naitalang bilang ng mga namatay na may kaugnayan sa illegal na droga mula ng magsimula ang Administrasyong Duterte.
Una nang inihayag ng Sr. Cresencia Lucero – Vice Chairman ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) na nananatili pa rin ang karahasan sa implementasyon ng anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan.