92,344 total views
Summer na kapanalig, at halos lahat tayo sa beach na nais magpunta. Ang karagatan ang pangunahing destinasyon ng maraming Pilipino. Sa ating pag-eenjoy sa beach ngayong tag-init, naisip ba natin kahit minsan ang “ocean health”?
Ang karagatan ay napakalawak na katawang tubig na umaakap sa maraming barangay, bayan, at bansa. Sa katawang tubig na ito, matingkad na matingkad nating makikita ang interconnectedness ng bawat bansa. Ito ay napakalaking ecosystem na may dalang napakaraming biyaya para sa lahat.
Isa sa mga hindi natin inaalintanang biyaya ng karagatan ay ang function nito ng pagre-regulate ng klima. Kapanalig, ang karagatan ay 70% ng ating mundo, at nag-tatransport ng init at lamig sa iba ibang parte ng mundo, kaya’t malaki ang bahagi nito sa global climate.
Ang karagatan o ocean ay source ng pagkain at kabuhayan ng maraming tao. Sabi nga ng isang pag-aaral ng World Bank, ang malusog na karagatan ay nagtutulak ng economic growth at nagbibigay buhay sa mga coastal communities. Sa buong mundo, bilyong bilyong tao ang naka-asa sa karagatan, at karamihan dito ay mga maralita. Sa ating bansa, mahigit 55 milyong katao ang nakatira sa mga coastal areas. Mahigit 1.6 million ay mangingisda, at marami sa kanila, subsistence fishing lamang ang source of income. Sila ang mga pangunahing apektado ng isa sa mga banta ng ocean health, ang overfishing.
Sa ngayon, tinatayang 20% na ang binaba ng fish stocks sa bayan sa nakalipas na dekada dahil sa over fishing, mapanirang paraan ng pangingisda, pagkasira ng ocean ecosystem, at polusyon at dumi mula sa mga land-based activities. Sa pag-init din ng mundo, marami ring mga species ng isda at marine life ang maapektuhan at maaring mawala.
Ang basura at plastic din kapanalig, ay isa mga nangungunang banta sa ocean health. Ang ating bayan nga ang isa sa mga nangungunang plastic polluter sa buong mundo. Kada Pilipino, base sa isang pag-aaral, ay nagkakalat ng 3.3 kilo ng basurang plastic kada taon. Ang basurang ito, sa karagatan din ang destinasyon.
Kapanalig, napaka-ironic na pabaya tayo sa kalusugan ng karagatan, hindi ba, dahil tayo naman din ang pangunahing nakikinabang sa biyayang dala nito. Buksan natin ang ating mga mata. Ang ating kapabayaan ay magdudulot hindi lamang ng kamatayan ng ating mga katawang tubig, kundi ng buhay ng maraming mga Pilipino.
Si Pope Francis, sa kanyang Laudato si, ay matagal ng nanawagan para sa maayos na system of governance para sa ating mga karagatan, isa sa mga tinaguriang “global commons.” Malaking hamon sa ngayon ang ocean health, at kailangan natin, bilang isang nag-iisang global family, na buhayin o irevitalize muli ang mga karagatan. Ang buhay natin lahat ang nakataya dito.
Sumainyo ang Katotohanan.