9,976 total views
Mariing nanindigan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao upang mahinto ang operasyon ng pagmimina sa Barangay Kasibu, Didipio, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Bishop Mangalinao, maituturing na ilegal ang Didipio mining operations ng OceanaGold Philippines Inc. (OGPI) dahil sa mga paglabag sa karapatang pantao at pangkalikasan.
Ang pahayag ng obispo ay bahagi ng kanyang pagninilay sa pagdiriwang ng Good Shepherd Sunday at bago ang pagsasampa ng kaso laban sa OGPI upang ihinto ang 2021 renewal ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) para sa Didipio mining.
“Ilegal ang renewal na ito dahil hindi dumaan sa proper and prior consultation. Hindi nagkaroon ng panibagong environmental impact assessment. Mismo ang Environment Code ng Nueva Vizcaya ay hindi pinahihintulutan ang pagkakaroon ng open-pit mining,” pahayag ni Bishop Mangalinao.
Iginiit ni Bishop Mangalinao ang kahandaan nitong lumaban para sa ikaliligtas ng likas na yaman ng Nueva Vizcaya laban sa mga mapaminsalang pag-unlad.
Hamon ng obispo sa mamamayan na makiisa sa panawagan upang tuluyang mapahinto ang pagmimina sa lalawigan.
“I am putting myself on the line for our environment. And I ask you to rally behind us,” giit ni Bishop Mangalinao.
Kasabay ng pagdiriwang sa Earth Day nitong Abril 22, 2024, nagtungo ang mga kinatawan ng Legal Rights and Natural Resources Center (LRC), Diyosesis ng Bayombong, at mga apektadong pamayanan sa Bayombong Regional Trial Court para magsampa ng kaso laban sa operasyon ng OceanaGold sa lalawigan.
Sa 400-pahinang petisyong inihain sa Bayombong RTC, inihayag ng mga nagsampa ng petisyon na ayon sa Section 26 at 27 ng Local Government Code, kinakailangang ang pamahalaan ay magsagawa ng lokal na konsultasyon at humingi ng pahintulot sa bawat proyektong may malaking epekto sa kalikasan, kabilang ang pagsasaayos ng FTAA ng OceanaGold.
Dagdag pa na ang Presidential Decree No. 1151, Presidential Decree No. 1586, at ang Philippine Mining Act ay nangangailangan ng Environmental Clearance Certificate (ECC) at Environmental Impact Statement (EIS) batay sa Environmental Impact Assessment (EIA) para sa bawat proyektong may malaking epekto sa kalikasan.
Mahigpit ding ipinagbabawal alinsunod sa Nueva Vizcaya Provincial Environment Code Ordinance ang open pit mining ng Didipio Mine.
Gayunman, nagpatuloy pa rin ang operasyon ng open pit mining sa Didipio sa loob ng tatlong taon matapos ipag-utos ang pagpapahinto sa nasabing pagmimina.
Sakaling pagbigyan ang petisyon, ang addendum at renewal agreement para sa FTAA No. 001 ay mapapawalang-bisa dahil sa paglabag sa mga naaangkop na batas, at mag-uutos sa pangulo na bawiin ang mga karagdagang dokumento at kasunduan.