313 total views
Hinimok ng opisyal ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang mga Filipino sa Middle East na isabuhay ang diwa ng pasko sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kapwa.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Franciscan Capuchin Father Troy De los Santos, Vicar General ng AVOSA, iginiit nitong dapat pairalin ng bawat isa ang pag-ibig lalo na ngayong panahon ng pandemya na labis ang pinagdadaanan ng pamayanan.
“Hinikikayat ko ang mga Katolikong Pinoy dito sa Abu Dhabi na patuloy tayong magmahalan sa pag-ibig ni Kristo, ibahagi natin ito sa ating kapwa ng walang pag-iimbot at walang hinihintay na kapalit. Magbigayan tulad ng pagbibigay ni Kristo ng Kanyang buhay,” pahayag ni Fr. De Los Santos.
Ito ang mensahe ng pari kaugnay sa pagdiriwang ng simbang gabi sa Abu Dhabi kung saan ngayong taon ay mananatili pa rin ang virtual celebration dahil sa pandemya.
Malugod na inanyayahan ng pari ang mga Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi at Ruwais sa Simbang Gabi na gaganapin sa St. Joseph’s Cathedral.
Tema ng Simbang Gabi 2021 sa United Arab Emirates ang “Pasko: Pagmamahalan, Pagbibigayan, at Paglalakbay Tungo Kay Kristo” na naaayon sa Sinodo 2021 – 2023 at sa pagdiriwang ng Pilipinas ng 500 Years of Christianity.
Hinikayat ni Fr. De Los Santos ang kalahating milyong OFW sa lugar na patuloy maglakbay tungo kay Kristo sa iisang pananampalataya at may pagkalinga sa kapwa.
“Anuman ang ating maihahandog sa ating kapwa, pinansyal at espiritwal na bagay, ay isang napaka-dakilang gawain,” ani Fr. De Los Santos.
Sinabi naman ni Rommel Pangilinan, Social Media Director ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi na pinagsusumikapan nitong maihatid sa publiko ang tradisyon ng mga Filipino na simbang gabi sa kabila ng mga restrictions.
“Hindi man physical na magkikita kita sa nakaugalian nating simbang gabi na puno ng tao sa simbahan, hindi ito magiging hadlang upang ang diwa ng Pasko at tradisyon ng simbang gabi ay mawala,” ayon kay Pangilinan.
Inihayag ni Pangilinan na nagtulungan ang mga Filipino sa UAE para sa virtual simbang gabi upang maihatid ang simbang gabi na mapapanuod sa Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi Facebook page at YouTube channel mula December 15 hanggang 23 alas 7:30 ng gabi sa UAE o alas 11:30 oras sa Pilipinas.
Tampok sa virtual simbang gabi ang mga pagninilay mula sa mga pari dito sa Pilipinas kasama sina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at CBCP Vice President, Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara.
Muling inaanyayahan ni Fr. De Los Santos ang mananampalataya na makilakbay sa paghahanda sa pagdating ng Panginoong Hesus.
“Malugod kong inaanyayahan ang lahat ng mga Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi, at Ruwais tayo’y sama samang makinig, magnilay at maglakbay tungo sa isang sambayanang may kaganapan ang buhay sa pamamagitan ng pakikiisa sa ating VIRTUAL SIMBANG GABI 2021,” ani ng pari.