362 total views
Kapanalig, ang sitwasyon ng mga overseas Filipino workers, na mahigit pa sa sampung milyon ngayon, ay isang malaking isyu na dapat maisama sa plataporma ng ating mga national candidates.
Ang bilang na ito ay patuloy na nadagdagan. Ayon nga sa Philippine Statistical Authority (PSA), ang bilang ng mga OFWs mula Abril hanggang Setyembre 2014 ay umabot ng 2.3 million. Karamihan sa kanila ay mula sa CALABARZON, Central Luzon at National Capital Region. Mahigit 43% ng OFWs ay nagmula sa mga lugar na ito. Marami sa kanila ay edad 25 to 34, at marami rin sa kanila sa Middle East ang napiling lugar na pagtrabahuhan.
Kapanalig, dapat suriin ng atin mga kandidato kung ano nga ba ang sitwasyon ng ating mga kababayan, lalo na sa mga lugar kung saan nagmumula ang malaking bilang ng mga OFWs. Gaano ba kahirap maghanap ng trabaho sa CALABARZON, Central Luzon, at NCR? Ano ba ang mga pinagkakabuhayan ng mga tao doon at bakit tila hindi ito sapat at kailangan pang mangibang bayan upang kumita? Ano ba ang mainam na plan of action para sa mga ganitong lugar upang ma-jumpstart ang job at livelihood generation?
Kailangan din suriin kapanalig, ang point of destination ng ating mga OFWs. Hindi nga ba’t marami ang nag-a-agam-agam sa Middle East dahil sa mass layoffs bunsod ng pagbulusok ng presyo ng krudo? Paano na ang kapakanan ng mga OFWs na doon nakadestino? Kung tutumal din ang trabaho dito, saan mapupunta ang mga nadi-displace at saan pupunta ang nais at doon lamang kayang magtrabaho?
Hindi lamang displacement ang isyu dito kapanalig. Hanggang ngayon, marami pa ring mga OFWs ang nabibiktima ng pang-aalipusta at pang-aapi sa ibang bansa, lalo na sa Middle East. Ano nga ba ang kongretong plano ng ating mga kandidato sa kanila?
Kapanalig, nararapat lamang na bigyan ng masusing atensyon ang mga OFWs ng mga naghahangad maupo sa pwesto. Malaki ang naitutulong nito hindi lamang sa boto, kundi sa ating ekomiya. Noong 2012, umabot sa Php165.5 billion ang naipadalang remittances ng mga OFWS.
Hindi sapat ang pasasalamat at saludo lalo na sa mga OFWs na yukong yuko na sa hirap ng buhay sa ibang bansa. Kailangan kapanalig ng kongkretong aksyon. Napaka-bulnerable ng kanilang kalagayan, kapanalig. Kada araw sa ibang bansa ay araw na malayo sa pamilya at sa kanilang pangunahing support system.
Ang pahayag ni Pope John Paul II sa World Migration Day 2000 ay nawa’y maging inspirasyon nating lahat, lalo na ng mga kandidato ngayong eleksyon: The Church hears the suffering cry of all who are uprooted from their own land, of families forcefully separated, of those who, in the rapid changes of our day, are unable to find a stable home anywhere. She senses the anguish of those without rights, without any security, at the mercy of every kind of exploitation, and she supports them in their unhappiness. [We are called to work] so that every person’s dignity is respected, the immigrant is welcomed as a brother or sister, and all humanity forms a united family which knows how to appreciate with discernment the different cultures which comprise it.