257 total views
Hinimok ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang mamamayan na alalahanin ang mga migrante o Overseas Filipino Workers sa pamamagitan ng pananalangin.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, mahalagang kilalanin ng mamamayan ang sakripisyo ng mga OFW sa iba’t-ibang panig ng daigdig na nagsusumikap para sa ikabubuti ng pamilya.
“As we celebrate migrant Sunday we remember their goodness and we uplift their spirits with our prayers and appreciation,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sa ika – 29 ng Setyembre ipagdiriwang ng Simbahan ang ika – 105 World Day for Migrants and Refugees kung saan hinimok ni Pope Francis ang mananampalataya na patuloy ipanalangin ang mga migrante at refugees na higit nangangailangan ng paglingap dulot ng mga pang-uusig na naranasan at kahirapan sa mga pinanggalingang bansa.
Sinabi ni Bishop Santos na ang paggunita ng Simbahan sa mga migrante partikular dito sa Pilipinas ay pasasalamat sa kanilang paghihirap na mapaunlad ang buhay ng bawat pamilya.
“Celebration of Migrant Sunday is our “thank you so much” for their sacrifices and services to their families and to our country. They build up the future of their loved ones and at same time help our economy,” ani ni Bishop Santos.
Ibinahagi ni Bishop Santos na bawat diyosesis sa bansa ay may mga migrant ministry desks na nakahandang tutulong sa pamilya ng mga OFW habang pinalalakas din ang kampanya para labanan ang human trafficking, at panagutin sa batas ang mga illegal recruiters.
Tiniyak ng Obispo na kabilang ang mga OFW at iba pang mga migrante sa bawat misa upang tulungang hilingin sa Panginoon ang paggabay at kalakasan habang nalalayo sa pamilya.
“Our migrants are always in our prayers, in the celebrations of Holy Masses begging our good Lord to keep them safe, to strengthen them and have sound health,” saad ng Obispo.
Binigyang diin ng pinuno ng CBCP-ECMI ang kahalagahan na maipadama sa mahigit sampung milyong OFW ang pakikiisa ng mamamayan at matulungang maitaguyod ang kanilang mga karapatan habang nakikipagsapalaran sa ibayong dagat.
“We are aware of their social conditions and we let them feel we are with them, working for their welfare as to protect rights and promote their dignity,” ayon pa kay Bishop Santos.
Umaasa naman si Bishop Santos na mabigyan ng patas, makatao at makatarungang trabaho ang bawat OFW na may pangangalaga at paggalang sa karapatan at dignidad ng buhay at matiyak na susundin ng mga employers ang mga itinakda sa batas para sa mga migrante.