202 total views
Kinilala ng Simbahang Katolika ang mga Overseas Filipino Workers sa buong mundo bilang mga bagong bayani at misyunero ng mabuting balita ng panginoon.
Sa mensahe ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP – ECMI) sa nitong National Heroes Day, tinawag ng Obispo na biyaya ang bawat OFW sa mga pamilyang naiiwan sa Pilipinas at maging sa kanilang mga employer sa ibayong dagat.
Paalala ng Obispo sa mga OFW sa pagbisita nito sa Vienna Austria na patuloy ipagpasalamat ang bawat biyayang ipinagkakaloob ng Panginoon.
“You are blessed here and are blessings to us. Always grateful to God for your peaceful and pleasant working and living conditions,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sa Misa ni Bishop Santos sa huling bahagi ng kanyang pastoral visit sa Middle East at Europe, inihalibin nito sa mahigit 10 milyong O-F-W sa buong mundo na patuloy magpuri sa Diyos upang gagabayan sa kani-kanilang pagpupursigi at pagtataguyod para sa pamilya.
Ibinahagi din ni Bishop Santos ang mabuting kalagayan ng mga OFW sa Austria na karamihan ay nagtatrabaho sa mga pagamutan at iba’t ibang tanggapan ng United Nation sa naturang bansa.
“They are much better here, fully integrated and very established” ani ng Obispo.
Bilang mga bagong bayani, kinilala ang malaking ambag ng mga OFW sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa higit 32-bilyong dolyar ang remittance ng mga OFW.
Sa tala naman ni Father Eli Dalanon, ang Filipino chaplain ng Austria, higit 30 libong OFW ang dokumentado habang halos 5 libo naman ang undocumented na iginagalang at tinatanggap sa komunidad.
Hinimok din ni Bishop Santos ang mga OFW na gumawa ng kabutihan sa kapwa at magpuri sa Diyos bilang pasasalamat sa mga biyayang handog sa pamilya.
“I urged them in gratitude to God don’t forget to be good, to do good and share your goodness to us, always return to God the glory. Praise and pray to Him always,” ayon pa ni Bishop Santos.
Ang pagbisita ni Bishop Santos sa mga O-F-W ay bahagi ng misyon ng simbahan na lingapin ang mga migrante na naghahanapbuhay malayo sa pamilya upang matugunan ang pangangailangan ng mga mahal sa buhay.