201 total views
Pinaalalahanan ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (CBCP-ECMI) ang mga Overseas Filipino Workers na iwasan ang pagdadala ng mga canned goods mula sa ibang bansa.
Ito ang tugon ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa ipinag-uutos ng pamahalaan na pagbabawal sa produktong MaLing upang makaiwas sa kumakalat na African Swine Fever o uri ng virus na nakamamatay sa alagang baboy sa ilang bansa sa Asya.
“For safety and health reasons we inform our chaplains to persuade our OFWs not to send nor bring home any meat canned goods,” mensahe ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Hinimok pa ni Bishop Santos ang mga OFW na magpadala lamang ng mga bagay na higit kinakailangan tulad ng mga gamit sa eskwela at mga damit sa halip na mga mamahaling gamit para sa luho at ugaliin ang pag-iimpok para sa kinabukasan.
“We also encourage them [OFW] to save as to send through balikbayan boxes only necessary and needed items,” dagdag pa ng Obispo.
Hinimok ni Bishop Santos ang mga OFW na upang makatipid sa pamimili ng mga pasalubong gawing pagkakataon ang sale season upang mapakinabangan ang mga diskwento sa mga produkto at magpadala lamang tuwing mahahalagang okasyon tulad ng Pasko, Graduation at tuwing magbubukas ang klase.
Magugunitang ipinag-utos ng Food and Drug Administration ang pagbabawal sa mga meat products mula ibang bansa na may manufactured date na August 18, 2018 dahil sa paglaganap ng ASF virus.
Batay sa taya, aabot sa halos 200 bilyong piso ang mawawala sa industriya ng pag-aalaga ng baboy kung tuluyang makapasok sa Pilipinas ang ASF Virus.