315 total views
Pinaalalahan ng IDEALS Inc. ang mga Overseas Filipino Workers sa kanilang mga karapatan mula sa iba’t-ibang suliranin na kanilang maaring matamo habang nananatili sa ibayong dagat.
Ayon kay Atty. Margaret Callanta ng Initiative for Dialogue and Empowerment through Alternative Legal Services o IDEALS, mahalaga na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga OFW’s at kanilang mga kaanak sa kanilang mga karapatan.
Ipinaliwanag ni Atty. Callanta na malinaw na nakasaad sa 1987 constitution ang pagbibigay ng proteksyon at karapatan sa mga OFW’s na dapat nilang matamasa ngayon mayroon pandemya.
Isa sa mga ibinahagi ni Atty. Callanta na programa na maaring mapakinabangan ng isang OFW ay ang DOLE-AKAP Program kung saan dapat ay makatanggap ng P10 libong piso na ayuda ang isang napauwi na OFW dahil sa pandemya.
“Ang guaranteed na maitutulong nila isa dito ang DOLE AKAP yun one time cash assistance na makakatanggap sila ng P10 thousand pesos o kaya $200 US Dollar pero ang katumbas nun ay ten thousand pesos pwede itong ibigay sa mga OFW’s na natigil o nawalan ng trabaho o napauwi dulot ng Covid19 sa kanilang pinagta-trabahuhan.” Pahayag ni Atty. Callanta sa programang Caritas in Action.
Kaugnay nito maari din aniyang makatanggap ng limang libong piso ang mga pamilya ng OFW na nawalan ng hanapbuhay habang nananatili sa ibang bansa.
Maari din alamin ang programa ng kanila-kanilang ng Local Government Unit para sa mga umuwing OFW sapagkat mayroon mga siyudad o munisipalidad na gumagawa ng bukod na programa at maaring mapakinabanggan ng ating umuwing kababayan.
“Meron din tayo 5 to 8 thousand pesos na household assistance, ito po ay nasa ilalim ng Bayanihan to Recover as One. Ito po ay binibigay sa mga pamilya o kaya sa mga household ng OFW’s at panghuli na tulong na pwede makuha yun mga projects ng kani-kanilang LGU’s dahil mayroon po mga LGU’s nagbibigay din ng tulong sa kanilang mga umuuwing OFW’s”dagdag pa ni Att. Callanta.
Pinaalalahan din ni Atty. Callanta ang mga OFW na nakakaranas ng pang-aabuso na huwag matakot at agad na magsumbong sa mga POLO Office kung saan bansa sila naghahanapbuhay.
Aniya, prayoridad din ng gobyerno na bigyan ng suporta o mapauwi ng Pilipinas ang isang OFW na nakakaranas ng pisikal o seksuwal na pang-aabuso lalo na laban sa kanyang employer.
“Doon sa pang aabuso urgent po ito lalo na kung sexual o physical kapag ito na po ang nararanasan ng OFW lumapit na sila sa POLO Office doon po maari sila mag-request na siya ay ma-repatriate o bumalik sa ating bansa bukod doon meron tayo social welfare attaché under DSWD na pinapadala sa abroad para matulungan ang psychosocial na pangangailangan ng ating mga OFW’s lalo na ang mga nakakaranas ng pang aabuso.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2019, nasa 2.2 Million ng mga Pilipino ang legal na nag-tatrabaho sa ibang bansa.