558 total views
Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ang MIGRANTE – HONG KONG para sa mga Pilipino at Overseas Filipino Workers (OFW) na apektado ng pandemya.
Ayon sa chairperson ng grupo na si Dolorez Balladarez-Pelaez, pangunahing pangangailangan ng mga nahawaan ng COVID-19 ang matutuluyan at mga isolation facilities, kasama dito ang pagkakaroon ng mga suplay ng pagkain, bitamina at gamot.
Sa pag-uulat ng Migrante, pinapalayas o tinatanggal sa trabaho ang ilan sa mga nagpositibong O-F-W kung saan mayroong mga nanatili sa parke o labas ng ospital sa loob ng 12-oras dahil sa nararanasang COVID-19 cases surge sa bansa.
Sa pinakahuling tala ng grupo, mayroon ng 51-OFW ang tinanggal sa trabaho ng kanilang mga employers, at umabot naman sa 11 ang bilang ng mga na-stranded sa mga airport matapos magpositibo sa COVID-19 at Omicron Variant.
“Unang-una yung lugar yung akomodasyon- temporary shelter para sa mate-terminate nating mga kababayan may covid o wala, kung kailangan nila ng matutuluyan kasi yung issue of accomodation ay matagal na issue sa mga OFW dito so until now walang maayos na tuluyan yung mga worker natin,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Pelaez.
Ikinadismaya rin ni Pelaez ang mabagal na pag-tugon ng pamahalaan ng Pilipinas sa pangangailangan ng mga O-F-W sa kabila ng naunang pag-uulat na naasikaso at natutugunan ang krisis na nararanasan ng mga pilipinong migrant workers.
“medyo mabagal lang yung respond kasi mayroon ng nagpositibo na na-terminate na it took them some time na 12hrs bago na-rescue nadala sa bahay at hindi at hindi pa consulate ang nakapag-hatid sa kanila isa pang NGO dito,” ayon kay Pelaez.
Apela din ng Migrante sa pamahalan ng HongKong na hindi pagpapa-uwi sa mga nagpositibong OFWs.
Ayon kay Pelaez, sa halip ay hayaan silang makapagpagaling at makabalik o makahanap muli ng trabaho upang maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay sa bansa.
“Nag-a-appeal din po tayo sa Hong Kong Government na huwag pauwiin yung mga nawalan ng trabaho hayaan silang gumaling, tulungan, hayaan silang gumaling at makahanap sila ng trabaho sa Hong Kong so they can continue earning,” ayon pa kay Pelaez
Ibinahagi ng Migrante na patuloy na nakikiisa ang Simbahang Katolika sa Hong Kong para sa lahat ng Migrant Workers na naapektuhan ng pandemya sa bansa.
Kasama din sa mga pag-tulong ang iba pang relihiyon at religous groups sa bansa upang sapat na maipadama ang kalinga at pagkikiisa sa kabila ng mga suliraning idinidulot ng COVID-19 pandemic.