238 total views
Ito ang hamon ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga Overseas Filipino Workers o O-F-W sa ganap na pagbubukas ng Filipino Chaplaincy sa Jordan na pangungunahan ni Father Gerald Metal mula sa Diocese of Antipolo.
Sa pagpapasinaya ng Filipino Ministry, hinimok ni Cardinal Tagle ang mga Filipino sa Jordan na maging buhay na binhi ng salita ng Diyos na magbubunga ng kabutihan.
Hinihiling ni Cardinal Tagle na masalamin nawa ng ibang lahi si Hesus sa mga Filipinong nagsasabuhay ng kanyang turo.
“Ang ating hamon po sa mga kapatid nating Filipino dito, paano ba natin tatanggapin ang salita ng Diyos para mamunga sa ating buhay. Pero tayo rin ay binhi na buhay ng salita ng Diyos na tinanim ng Diyos dito sa lupain ng Jordan, sana po ipanalangin natin sila para sila ay mamunga at makita sa kanila, sa kanilang pagsaksi sa salita ng Diyos, makita ng mga tao si Hesus ang salita ng Diyos na naging tao,”mensahe ni Cardinal Tagle na ibinahagi ni Father Metal sa Radio Veritas
Sa huling tala noong 2014, umaabot sa 29,515 ang mga Filipinong manggagawa sa Jordan kung saan 16,519 ang documented habang 12,996 naman ang undocumented workers.
Hinikayat din ni Cardinal Tagle ang mga Filipinong may kamag-anak na O-F-W na ipanalangin ang kanilang kaligtasan at pahalagahan ang kanilang paghihirap na iniaalay para sa kanilang pamilya.
Ipinaalala ni Cardinal Tagle na higit sa salapi at materyal na bagay na ipinadadala ng mga O-F-W sa kanilang pamilya ay taglay nila ang mukha ng bawat Filipinong dumaraan sa maraming pagsubok para mapabuti ang kalagayan ng mga mahal sa buhay.
“Sana po ay pahalagahan natin ang bunga ng kanilang pagpapagal, hindi lamang po pera o ang ating tinatanggap, hindi lamang po gamit ang kanilang pinadadala, lahat po yan ay bunga ng kanilang pagod, luha, lungkot, pawis, minsan pagkakasakit, kaya huwag po naman nating babalewalain, o kaya’y wawaldasin. May mukha po ang mga yan, mukha ng kapatid nating Filipino, na para sa ating lahat ay dumaraan sa napakaraming pagsubok, samahan po natin sila, ipanalangin natin sila, tayo pong lahat ay pagpalain ng mapagmahal na Diyos.” dagdag pa ng Kardinal.