370 total views
Hilingin sa Poong Hesus Nazareno ang kaligtasan at pagwawakas ng pandemya.
Ito ang mensahe ni Filipino Franciscan Capuchin Fr. Troy De Los Santos, Vicar General ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia o AVOSA hinggil sa pagdiriwang ng kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa January 9.
Binigyang-diin ni Fr. De Los Santos ang kahalagahan ng taimtim na pananalangin na matapos na ang karanasan ng pandemya upang mabigyang kapanatagan ng mga Filipino sa Middle East.
“Taimtim na panalangin na may pananampalataya sa Mahal na Poong Hesus Nazareno para sa katapusan ng pandemyang naranasan sa UAE gayundin sa Pilipinas at sa buong mundo; ipagkaloob nawa ng Panginoon ang aming mga kahilingan upang ang bawat mananampalataya ay magkaroon ng kapanatagan at maibsan ang pag-alala sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas,” pahayag ni Fr. De Los Santos sa Radio Veritas.
Ayon naman kay Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi, Social Media Director Rommel Pangilinan, hindi mapipigilan ng anumang banta ang pagdiriwang ng pista ng Poong Hesus Nazareno subalit iginiit ang pag-iingat at pagsunod sa safety health protocol.
“Tuloy ang Traslacion sa kabila ng pandemyang naranasan subalit ibayong pag-iingat; hindi kailangang maging magarbo o engrande ang pagdiriwang importante ang malalim na pananampalataya sa Diyos,” pahayag ni Pangilinan sa Radio Veritas.
Isang Banal na Misa ang gaganapin sa January 9, alas-dose ng tanghali sa St. Joseph Cathedral sa Abu Dhabi na dadaluhan ng limitadong bilang ng mananampalataya dahil na rin sa banta ng mga bagong variant ng COVID-19 sa UAE.
“Walang grand procession; isang pagpupugay at taimtim na pananalangin sa Poong Hesus Nazareno na lamang ang aming gagawin,” dagdag pa ni Fr. De Los Santos.
Patuloy na hinikayat ng AVOSA ang mga Kamanlalakbay na Katoliko sa Abu Dhabi, Musaffah, Ruwais at Al Ain ang pananalangin at paghingi ng awa sa Poong Hesus Nazareno na iligtas ang bawat isa sa salot na dulot ng virus.
Apela din nito sa mananampalataya na hindi makapagparehistro ay maaring makiisa sa pagdiriwang sa pamamagitan ng online livestreaming sa official Facebook page at YouTube channel na Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi.
Ngayong taon kanselado sa ikalawang pagkakataon ang Traslacion ng Nuestro Padre Jesus Nazareno at sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagbabawal din ang pampublikong Banal na Misa dahil sa nagpapatuloy na pagtaas ng kaso ng mga nahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas lalo na sa National Capital Region.
Gayunpaman iginiit ni Fr. Douglas Badong, Parochial Vicar ng Basilica na buhay ang diwa ng Traslacion sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas at maging sa ibayong dagat tulad ng isasagawang pista sa United Arab Emirates.