172 total views
Hinimok ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang mga Overseas Filipino Worker sa Thailand na makiisa sa mainit na pagtanggap ng mamamayan sa pagdalaw ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ayon kay Bishop Mallari, isang biyaya ito sa pananampalatayang Katoliko na makasalamuha ang pinunong pastol ng simbahan at madama ang presensya ng dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
“Isang biyaya na makiisa tayo, nasisiguro ko na ito ay magbibigay sa ating lahat ng mga biyaya na makatutulong sa ating kabanalan,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Si Bishop Mallari ay dadalo sa tatlong araw na Apostolic trip ni Pope Francis sa Thailand bilang bahagi ng Federation of Asian Bihsops’ Conference (FABC) na nakatakdang makipagpulong sa Santo Papa.
Sa panayam ng Radio Veritas, una nang hinimok ni Bangkok Archbishop Francis – Xavier Kriengsak Kovithanij ang halos 20, 000 migranteng Filipino sa Thailand na makiisa sa mga pagtitipon lalo na ang Banal na Misa na gaganapin sa National Stadium sa Bangkok sa ika – 21 ng Nobyembre.
Ayon sa Arsobispo, ang pagbisita ni Pope Francis ay nagpapatunay na kumikilos ang Simbahan sa paglingap sa mamamayang nangangailangan ng kalingang espiritwal at mga hakbang tungo sa pagkamit ng pandaigdigang kapayapaan at pagkabubuklod buklod ng mga pamayanan.
Hamon ni Bishop Mallari sa mga Filipino sa Thailand na samantalahin ang panahong bibisita ang Santo Papa sa nasabing bansa mula ika – 20 hanggang 23 ng Nobyembre.
“Huwag nating sayangin ang gintong pagkakataon,” saad pa ni Bishop Mallari