458 total views
Pinaalalahanan ng ibat-ibang labor groups ang mga employers at pamahalaan na magpatupad ng ibat-ibang polisiya na pangalagaan ang kalusugan ng mga manggagawa sa banta ng COVID-19 virus.
Ito ay sa nakatakdang pagpapatupad ng Executive Order No.3 ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior na voluntary at hindi na mandatory ang pagsusuot ng face-mask sa mga pampublikong lugar.
Iminungkahi ni Elmer Labog – Co Chairperson ng Church People Workers Solidarity na tugunan ang mga panawagan ng pagtataas ng minimum wage at buwagin ang kontrakwalisasyon upang makakain ng sapat at matibay ang resistensya ng mga manggagawa laban sa banta ng virus.
“Una sa lahat mahalaga ang apat na pangunahing kahilingan ng mga manggagawa na dapat isakatuparan sa pag-alis ng mandatory face mask regulation, 1.Itaas ang sahod, 2.Regularisasyon at end ENDO, 3.Pagsunod sa occupational safety & health at 4.Pagtiyak na marespato ang trade union policy rights,”mensaheng ipinadala ni Labog sa Radio Veritas.
Paalala naman ni Leody De Guzman – Chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), kakailanganin ng mga kompanya na magkaroon ng mga onsite healthcare workers upang higit na mapangalagaan ang kalusugan ng mga manggagawa.
“Dapat mag-provide ng vitamins sa mga manggagawa na magpapalakas ng kanilang immune system, magawa ang daily temperature ng mga empleyado, pag-disinfect ng working area,” pahayag ni De Guzman sa Radio Veritas
Inirekomenda naman ni Atty.Sonny Matula – Pangulo ng Federation of Free Workers na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng mga manggagawa, employers, occupation safety at health committee officers ng mga kompanya upang mapanatiling ligtas sa COVID-19 ang bawat isa.
Unang inihayag ni Health Undersecretary Maria Rosaria Vergeire na mas nais ng Department of Health na mapanatili ang mandatory policy sa pagsusuot ng facemask.
Patuloy naman ang panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19.