377 total views
Naninindigan si Quezon City 5th district representative Patrick Michael Vargas sa pagkakaroon ng isang miyembro ng pamilya na makapagtapos ng kolehiyo upang makaahon sa kahirapan.
Isinumite ni Vargas ang “One Family, One Graduate bill bilang pagpapatatag sa pamilya lalo na sa mahihirap na pamayanan.
Sa ilalim ng panukala, tatanggap ng 60-libo kada taon o 30-libong piso kada semestre ang mga benepisyaryong mag-aaral upang matiyak na makakapagtapos sa pag-aaral sa kolehiyo.
Ang pondo ay sasaklaw sa matrikula, allowance, uniporme at iba pang pangngailangan sa paaralan.
Iginiit ng mambabatas na kinakailangan ng pamahalaan na mamuhunan para sa kinabukasan ng mga estudyante na makapagtapos at makapagtrabaho upang maiahon ang pamilya mula sa kahirapan.
“We must exert more efforts necessary to invest in our people, enabling them to fulfill their aspirations and break free from poverty through a support system,” ayon kay Vargas
Sa pamamagitan naman ng Caritas Manila-Youth Servant Leadership and Education Program ay may 5,000 college scholars kada taon ang napapaaral ng simbahan na naniniwala sa kahalagahan ng edukasyon bilang susi ng kaunlaran.
Sa taong ito, hinihikayat din ng Caritas Manilla ang mga mag-aaral na kumuha ng kursong may kaugnayan sa pagtatanim at pagsasaka para sa inaasam na food security ng bansa na base na rin sa karanasan sa nakalipas na pandemya.