192 total views
Ito ang mensahe ni Cebu Archbishop Jose Palma sa mga botante na makikilahok sa Midterm Elections sa Lunes ika – 13 ng Mayo.
Sa video message ni Archbishop Palma sa social media, sinabi nitong ang halalan ang wastong pagkakataon na ipakita ng bawat botante ang pagiging responsableng mamamayan dahil kinabukasan ng bayan ang kapalit ng boto.
“Isipin natin, na ito yung okasyon [halalan] na ipakita natin ang kahalagahan ng ating boto, na yung mga taong makapagdala ng mabubuting pag-unlad ang ating piliin sa mga balota,” panawagan ni Archbishop Palma.
Ipinagdarasal ni Archbishop Palma na hindi padadala sa takot, panunuhol o kung ano pang pamamaraan ng pamimilit sa mga botante ang pagpili ng mga kandidatong ihalal at maglingkod sa bayan.
‘ONE GODLY VOTE’ DIYOS AT BAYAN
Samantala, pinaiigting naman ng Arkidiyosesis ng Maynila ang kampanyang ‘One Godly Vote’ na layong itanim sa kamalayan ng mamamayan na dapat isaalang – alang ang mga kautusan ng Panginoon sa pagpili ng mga lingkod bayan.
Ayon kay Veritasan Anchor Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP – Permanent Committee on Public Affairs at bumalangkas sa One Godly Vote, sa kasalukuyan ay inalis ng mamamayan ang Diyos sa kanilang pamumuhay at mas namamayani ang sekularismo o ang pagpapasya sa ganang sariling gusto.
“Ang secular mindset sa mga Filipino ay nag sink in, pag sinabi natin secular mindset; tinanggal mo yung Diyos sa larangan ng pamumuhay ng mga Filipino kaya yung naging focus dito ay yung kanilang sarili, so dito sa One Godly Vote ang gusto naman natin sa pagpipili ng kandidato isaalang – alang mo ang Diyos, sa pagpili ng kandidato isaalang – alang natin kung ano ba ang itinuturo ng Diyos,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Iginiit ni Fr. Secillano na ang mga hakbang ng Simbahan ay pamamaraan ng ebanghelisasyon sa larangan ng pulitika upang maging makatao at may espirituwalidad ang paghalal ng mga indibidwal na mamumuno sa bayan.
“Hindi ito yung pamumulitika na parang walang aspeto ng pananampalataya, puwede naman nating lagyan ng pananampalataya ang pulitika, hindi naman sumasaklaw ang Simbahan sa mga gawain ng pulitiko kundi binibigyan natin ng ibang dimension kasi gusto nating i-humanize at i-spiritualize so yun ang adhikain ng One Godly Vote,” ani ni Fr. Secillano.
Umaasa ang Pari na makatutulong sa mga botante ang programa ng Arkidiyosesis hindi lamang sa halalan ngayong taon kundi maging sa mga susunod pang halalan na darating upang mapagnilayan at magabayan ang mamamayan na makapili ng karapat-dapat iluklok sa higit 18-libong posisyon sa national at local government.
Sa tala ng Commission on Elections 60 porsyento sa kabuuang halos 110 – milyong populasyon ng Pilipinas ay mga rehistradong botante na inaasahang makilahok sa pagpili ng mga susunod na lingkod-bayan.