9,467 total views
One good vote ang sagot sa kahirapan, kurapsyon, kabastusan, kasinungalingan at kamatayan.
Ito ang binigyang diin ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, dating Pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa paglulunsad ng kampanyang One Good Vote ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) noong ika-27 ng Marso sa University of Pangasinan.
Ipinaliwanag ng Arsobispo na lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti, subalit ang pulitika ay likha lamang ng tao kaya naman nakadepende rin sa tao kung makabubuti ito o makasasama.
Iginiit pa ni Archbishop Villegas na dahil ang tao ay nilikha ng Diyos na mabuti, mahalagang matutunan nito na palagiang piliin ang kabutihan.
“Ang pulitika, nilikha ng tao, para sa tao. Bumubuti ang pulitika depende sa tao, dumudumi ang pulitika depende sa tao. Hindi katulad yan ng tao, ng bituin, ng halaman, ng bundok, itong mga bagay na ‘to, dahil nilikha ng Diyos, mabuti yan. Pero yung nilikha ng tao depende sa tao kung magiging mabuti o masama… kung ikaw ay good created like God bakit ka pipili ng bad? If God created you good, you must always choose good,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Villegas.
Kaya’t panawagan ng arsobispo sa mamamayan sa darating na halalan ang bumoto at gamitin ang pagkakataon para pumili ng mga karapat-dapat na mamuno sa pamahalaan.
Na siyang magiging solusyon sa limang suliranin ng bayan- ang kahirapan, korapsyon, kabastusan, kasinungalingan at kamatayan sa pamamagitan ng One Good Vote.
“Vote for God, Vote for Life, Vote for courtesy, vote for good manners, vote for charity, vote for the poor, mangako tayo ngayon sa harap ng Diyos, bubuti ba ang pulitika? bubuti ang pulitika at magsisimula sa kabutihan ko,” pahayag ng Arsobispo.
Sa tala ng Commission on Elections, may higit sa 60 milyon ang bilang ng mga registered voters para sa May 2019 elections para punan ang may 18 libong posisyon sa national at local government.