188 total views
Isang payapang pagkilos ang ilulunsad ng Movement Against Tyranny sa Luneta, September 21.
Pangunahing panawagan ng grupo ang paghinto ng ikarahasan at patayan sa bansa.
Ayon kay Sr. Mary John Manansan, convenor ng Movement Against Tyranny- ito ay samahan ng iba’t ibang grupo na naghahangad ng kapayapaan sa bansa lalu’t ito rin ang ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar sa Pilipinas.
“Ang aming pong panawagan ay To Stop All the Killings, and then we would like also to protect this move towards authoritarianism, martial law, tyranny and one man rule,” ayon kay Sr. Mananzan.
Sinabi ng madre na hindi na dapat maulit ang masamang karanasan ng bansa noong panahon ng diktadurya kung saan may 6,000 katao ang pinahirapan at napatay.
Una na ring umalma ang iba’t ibang grupo dahil sa mga nangyayaring karahasan sa bansa lalu na ang giyera kontra droga ng administrasyon kung saan naitala na sa 13 libo ang napapatay na may kaugnayan sa droga.
Ang malawakang rally ay isasagawa sa Luneta sa September 21 at inaasahan din ang pagpapatunog ng kampana dakong 8 ng gabi, bilang tugon sa panawagan ng simbahang katolika na De Profundis bell o ang pagdarasal para sa lahat ng mga namayapa.
Sa ginanap na misa sa Santa Marta sa Roma, hinikayat naman ng kaniyang kabanalan Francisco ang bawat isa na ipinalangin ang mga halal na opisyal ng kanilang bansa sa kabila ng mga bagay na hindi natin nagugustuhan sa kanilang pamumuno.