1,219 total views
Kapanalig, ang ating bayan ay nangunguna sa buong mundo pagdating sa paggamit ng internet, lalo na ng social media. Tinatayang 83% ng ating mga mamamayan ay internet users. Pero hindi lahat ng gumagamit ng internet ay ginagamit ito sa produktibo at mabuting paraan. Marami dyan, nagtatago sa world wide web, laging handa at naghahanap ng maaabuso.
Isang halimbawa na lamang dyan, kapanalig, ay cyberbullying. Ayon sa UNICEF, halos kalahati ng mga kabataang may edad 13 hanggang 17 ay apektado ng cyberviolence. Ilan sa mga uri ng cyber violence na kanilang naranasan ay verbal abuse at sexual messages. Mas maraming mga babae, ang nakaka-tanggap ng mga sexual na mensahe, at marami rin ang nagsasabi na may nagkakalat ng kanilang mga hubad na imahe, tunay man o digitally manipulated, sa Internet. Ang mga social media apps at message apps ang mga pangunahing plataporma ng online abuse.
Ayon naman sa Disrupting harm in the Philippines: Evidence on online child sexual exploitation and abuse, isang pag-aaral mula sa ECPAT, INTERPOL at UNICEF, tinatayang dalawang milyong bata sa ating bansa ay nakaranas ng online sexual abuse at exploitation noong 2021. May mga batang nagsasabi na sila ay nakaranas ng grooming, ino-offeran ng regalo o pera kapalit ng sexual acts, at pagbabanta o blackmail.
Kapanalig, bata ang kanilang biktima – mga bata ng ating bayan na babad na babad sa kanilang gadgets at hirap na hirap tayong bantayan.
Habang tayo ay nag-iinvest sa pagpapalawig ng digitalisasyon at teknolohiya, kapanalig, tayo din ay kailangan mag-invest sa kaligtasan at proteksyon ng ating mga kabataan sa Internet. Kailangan dito batas na may pangil para magapi ang mga online predators. Kailangan dito malawakang pagbabago sa mga apps at website – kailangan kasama na sa kanilang settings at disenyo ang proteksyon ng bata. Kailangan dito malawakang information dissemination upang malaman ng mga magulang at ng kanilang mga anak ang pag-iral ng online abuse at kung paano kumilos ang mga predators.
Kulang na kulang ang ginagawa ng ating bayan kapanalig – napakaraming bata ang nagiging biktima ng online abuse. At nakakalungkot dito, maraming pagkakataon na ang mga magulang at ibang kaanak ang nagiging instrumento pa ng mga online predators.
Maging si Pope Francis ay nananawagan na upang mahinto ang online abuse. Sa kanyang Address to the Participants sa Child Dignity in the Digital World noong 2017, sinabi niya na dapat gamitin ng mga tech businesses ang kanilang kita upang magbigay ng mga automated at technical solutions upang makilala at sanggain ang mga abusive materials at content. Sinabi rin niya na hindi lamang tayo dapat tumigil sa awareness raising, lehislasyon, pagbabantay sa teknolohiya, at pagsuplong sa mga nang-aabuso. Hindi rin natin dapat kalimutan ang mga batang naapektuhan nito at mga batang maaari pang mabiktima nito.
Sumainyo ang katotohanan.