367 total views
June 19, 2020-10:52am
Magsasagawa ng online conference ang pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang alternatibo matapos na ipagpaliban ang nakatakdang Plenary Assembly ng mga Obispo sa Hulyo dulot na rin ng patuloy na banta ng Coronavirus Disease 2019 pandemic.
Ayon kay CBCP-NASSA/Caritas Philippines Chairman, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo bagamat wala pang itinakdang petsa ay inaasahan naman na bukod sa Permanent Council officers ay bahagi rin sa gagawing online conference ang mga pinuno ng iba’t ibang komisyon ng CBCP.
Ang plenary assembly ng CBCP ay karaniwang isinasagawa dalawang beses sa isang taon tuwing Enero at Hulyo.
“Canceled yung aming Plenary Assembly ngayong July, indefinite pa baka sa January baka matuloy na. So ang number 1 na gagawin ng CBCP ay magkakaroon kami ng online na pagpupulong ang mga Permanent Council officers together with the heads of the different commissions, naka-schedule pa hindi pa namin alam kung kailan but it will be schedule pa ngayon sigurong June o July,” ayon kay Bishop Bagaforo sa panayam sa Radio Veritas.
Ayon pa sa obispo bago pa man ipagpaliban ang nakatakdang plenary assembly ay napagkasunduan na ang NASSA/Caritas Philippines ang pagtalakay at paglalahad ng tatlong usapin sa plenaryo.
Kabilang ditto ang naging tugon at kontribusyon ng Simbahan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic upang masuri ang naangkop na hakbang sa tinatawag na ‘new normal’ na epekto ng pandemya sa lipunan.
“Maaring maging agenda at aming ipi-present with the permanent council, number 1 yung response natin yung ano yung mga nagawa natin, at saka ano yung mga na-contribute natin at saka ano yung ating pananaw, reflections natin that will lead us to our pastoral action, pastoral approaches with regards sa isyu ng new normal in effect ng COVID-19 sa whole society including yung ating Simbahan,” ayon pa sa obispo.
Kasama rin tatalakayin ng NASSA/Caritas Philippines ay ang posisyon ng Simbahan kaugnay sa usapin ng kontrobersyal na Anti-Terror Act of 2020 na naglalaman ng mga probisyong maaring magsantabi sa mga karapatan ng bawat mamamayan at sa Saligang Batas.
Bukod sa mga usaping panlipunan na kinahaharap ng bansa ay inaasahang tatalakayin rin ng NASSA/Caritas Philippines ang patuloy na paghahanda ng Simbahan para sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas sa susunod na taong 2021.
Ayon pa kay Bishop Bagaforo, “ang pinaka-urgent na issue which is palagay ko yung stand natin sa Anti-Terror Act na maaring maging batas na, siguro pangatlo diyan yung pag-uusapan namin yung usual yung aming preparations for the 2021–500 years celebration ng ating Simbahan.”
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na ipinagpaliban ang pulong ng mga obispo bilang pagsunod sa alituntunin ng pamahalaan na pagbabawal sa anumang uri ng religious gathering bilang pag-iingat mula sa nakahahawa at nakamamatay na COVID-19.
Itinakda rin sa Enero ng susunod na taon ang annual retreat ng mga Obispo na karaniwang isinasagawa bago magsimula ang plenaryo tuwing Hulyo.