28,211 total views
Puspusan ang pagkilos ng Super Coalition Against Divorce (SCAD) upang mapaigting ang kamalayan ng bawat Pilipino sa kasagraduhan ng kasal at pagpapamilya sa bansa.
Bilang tugon sa patuloy na tangkang pagsasabatas ng diborsyo sa Pilipinas, magsasagawa ng panibagong serye ng online forum ang SCAD upang talakayin ang paninindigan at posisyon ng Simbahan sa panukalang pagsasabatas ng diborsyo sa bansa.
Pangungunahan ni Canon Law Society of the Philippines Secretary Rev. Fr. Jaime B. Achacoso, JCD ang Online Forum on Canon Law on Marriage and the Divorce bill na may titulong “Trusting Church Wisdom on Void Marriages”.
Nakatakda ang online forum sa ika-10 ng Agosto, 2024 ganap na alas-dos hanggang alas-kwatro ng hapon na maaring masubaybayan sa pamamagitan ng Facebook page ng Family and Life Commission – Diocese of Novaliches na isa sa nagsisilbing convenor ng Super Coalition Against Divorce (SCAD).
Layunin ng nakatakdang talakayan at diskurso na higit na mapalalim ang pagpapahalaga ng bawat isa sa kasagraduhan ng kasal at pagpapamilya bilang kongretong hakbang laban sa isinusulong na pagsasabatas ng absolute divorce sa Pilipinas.
Inaasahan ng Super Coalition Against Divorce (SCAD) ang pakikibahagi at pagsubaybay sa talakayan ng mga mag-asawa gayundin ng mga kabataan upang higit na mamulat ang kamalayan sa kasagraduhan ng sakramento ng matrimonyo.