344 total views
Ang social media ba ay isang plataporma na nagagamit ng marami para sa kabutihan, o ito ba ngayon ay nagiging instrumento na ng kasamaan?
Kapanalig, napakadali na para sa maraming mga tao ang maging mapang-alipusta, mapang-insulto, maging mapanakit sa social media. Makikita at mababasa natin ngayon na sa maraming social media posts, daan-daan o libo libo agad ang mga komento. At makikita mo na sa seksyon na ito, nag-aaway away na ang mga tao. Buhay na buhay sa maraming mga comment sections ang kasabihang “an eye for an eye, a tooth for a tooth.” Gantihan ang mga insulto at lait sa social media. Kung nakakamatay lamang ang mga salita, marami na ang nabiktima ng mga online comments.
Kapanalig, makapangyarihan ang mga salita. Hindi ka man magdurugo ng pisikal dahil sa mga bashing o insulto, dinudurog na minsan nito ang puso at pagkatao ng mga inaalipusta nito. Ang mga komento natin sa social media kapanalig, ay maituturing na online harassment na. Cyberbullying na ito, at napakalaki ng epekto sa mga taong nabibiktima nito.
Sa ating bansa kapanalig, marami na ang nagiging biktima ng online harassment. Ayon sa isang pag-aaral ng Plan International, 7 of 10 girls and young women sa ating bansa ang naging biktima na ng online harassment, lalo na sa social media. Ayon sa mga nasurvey ng pag-aaral na ito, madalas nangyayari ang harassment na ito, at ang walo sa sampu sa kanila ay nakatanggap pa ng banta ng sexual violence sa social media. Ang mga karaniwang nangha-harass sa kanila ay mga kakilala nila.
Kapanalig, ang internet at ang social media ay dapat safe space para sa lahat ng mamamayan, bata man o matanda, lalake man o babae. Ang mga platapormang ito ay ating mga kasangkapan sa pang-araw-araw na buhay. Dito na tayo nagkikita, dito na tayo nakikipag-ugnayan. Kung ang internet at social media ay patuloy na magiging mundo ng karahasan, ano ng matitira pang ligtas na lugar para sa ating lahat?
Kapanalig, sabi sa Pacem in Terris: “Any human society, if it is to be well-ordered and productive, must lay down as a foundation this principle, namely, that every human being is a person.” Ang online harassment kapanalig, ay expression of hate, of anger. Ang galit o poot na ito ay kadalasan hindi na kinikilala ang pagkatao ng mga biktima. Labag ito sa ating pagka-Katolikong Kristiyano. Labag ito sa ating dignidad bilang kawangis ng Diyos. Kung nais natin kapanalig ng mundong payapa, gamitin natin ang mga plataporma gaya ng Internet at social media bilang instrumento ng pagkilala sa dignidad at dangal ng ating pagkatao, hindi bilang armas ng cyberbullying o online harassment.
Sumainyo ang Katotohanan.