632 total views
Iwaksi ang pagsusugal.
Ito ang mensahe ni Novaliches Bishop Roberto Gaa sa mga nalululong sa pagsusugal at sa usapin ng pagkawala ng may 34-indibidwal na iniuugnay ng mga pulis sa Online-Sabong (E-Sabong).
“Magandang tignan natin itong E-sabong, itong mga online na sugal magandang siyasatin ng mabuti: ano nga ba ang dulot nito sa atin? kung ito naman ay magdudulot lamang ng pinsala ay mabuting itigil na po natin ito. Kasi hindi nagbunga parang di naman nagbubunga ng mabuti tignan po natin, siyasatin po natin ng mabuti kung ito nga ba talaga ay nakabubuti sa atin” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Obispo.
Nanawagan ni Bishop Gaa sa mamamayan na dapat siyasatin at itigil ang pagsusugal higit na kung nagdudulot na ito ng pagkabaon sa utang at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay.
“kung ito ay nagdadala sa pagkabaon sa utang, kapinsalaan din kasi nanganganib ang kanilang buhay kasi hindi naman sila makabayad ng utang, Ito’y masyado nang- parang nakakapeligro na siya ng buhay, nakakapeligro narin siya ng mga pagpapahalaga natin sa buhay” pagpapabatid pa ng Obispo.
Kaugnay nito, sa pagdaraos ng Senate hearing ay nagkasundo ang 24-senador na isulong ang resolusyon na naglalayong suspindihin ang operasyon ng pitong E-sabong operators habang idinadaos ang mga pagdinig sa kaso ng mga nawawalang indibidwal.
Tanging lagda na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte at opisyal na desisyon mula sa Philippine Amusement And Gaming Corporation ang hinihintay bago maging opisyal ang suspensyon.
Patuloy rin ang pagdalo ng mga itinuturo at sangkot na personalidad, businessmen at indibidwal sa mga Senate Hearing ng mga nawawalang tao at mga kinakaharap na kaso ng E-sabong industry.
Unang nanindigan Ang Catholics Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) laban sa pagpapahintulot ng kasalukuyang administrasyon sa operasyon ng mga casino at iba pang pasugalan sa bansa dahil tanging pagkalulong, karahasan at kasalanan lamang ang idinudulot nito sa lipunan.