378 total views
Pinag-iingat ng grupong EcoWaste Coalition ang publiko sa pagbili ng mga produkto sa online shopping sites dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon kay EcoWaste Coalition Chemical Campaigner Thony Dizon, maaari itong magdala ng masamang epekto sa kalusugan gayundin sa kaligtasan ng mga mamimili lalu’t laganap ang mga panloloko at pambibiktima sa pamamagitan ng online.
“We therefore urge online shoppers to be mindful of these tips to avoid picking and paying for products that can put their health and safety at risk,” ayon kay Dizon.
Iminungkahi naman ni EcoWaste Coalition Policy Advocacy Officer Pat Nicdao, sa mga mamimili na maging pamilyar sa online shopping guidelines kabilang na ang mga paraan upang maiwasan ang panloloko.
Hinimok din ng grupo ang online shoppers na sundin ang payo para sa eco-friendly shopping upang mabawasan at maiwasan na ang pagdami ng basura at polusyon sa kapaligiran.
“We suggest that consumers familiarize themselves with other online shopping guidelines, including ways to avoid fraud and pointers on eco-friendly shopping to cut down on waste and pollution,” ayon kay Nicdao.
Kaugnay nito, nagsasagawa rin ang grupo ng online petition na nananawagan sa Kongreso ng agarang magpatupad ng batas na nagbabawal sa paggamit ng mga single-use plastic na isa sa pangunahing sanhi ng polusyon sa Pilipinas.
Samantala, ayon naman kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, nakasisira ang makamundong paraan ng pamumuhay ng bawat isa partikular na ang pagiging konsyumerismo at materyalismo.
Kaya, hinimok ng Obispo ang mga mananampalataya na magbago ng paraan ng pamumuhay ngayong panahon ng pandemya.
Ito’y bahagi na rin ng paggunita ng Season of Creation ngayong taon na naiiba dahil sa nararanasang krisis dulot ng pandemya.