252 total views
Marami ang nagsasabi na blessing sa ating panahon ngayon ang availability ng mga online work, galing man overseas o lokal, sa ating bayan. Dahil kasi dito, marami ang nabuhayan ang loob at nagkakaroon ng pagkakakitaan ng hindi na kailangang umalis pa ng bahay araw-araw. Marami na ang nagtatrabaho ngayon bilang online freelancers. Ayon nga sa Philippine Freelance Market Report 2022, umabot na ng 1.5 million ang nakaregister sa mga international online platforms bilang freelancers.
Malaking tipid kasi ito kapanalig. Hindi mo na kailangan mamasahe at magbaon. Liban pa dito, malaking tipid din sa oras. Alam naman natin na minsan, umaabot tayo ng apat na oras o higit pa sa kalye dahil sa traffic papunta opisina at pauwi ng bahay.
Mas malaki din minsan ang kita ng mga online freelancers natin. Tinatayang mas mataas pa ng 57% ang kita ng mga Filipino freelance workers na may lokal at international clients kumpara sa mga workers na lokal lang ang trabaho.
Malaking ganansya man ito kapanalig, kailangan pa rin natin isipin na kadalasan, walang tenure o kasiguruhan ang mga trabaho na ito. Madalang na maging permanent employee sila sa mga ganitong trabaho, at marami ring pagkakataon, mahirap pa ngang maging full-time worker dito. Part time din kasi ang mga trabaho na ito minsan at maiikling kontrata lamang. Pag matapos na, hanap ka ulit.
Wala ring company benefits sa ganitong trabaho. Kahit pa may kontrata ka, wala kang health benefits, SSS, pati na rin ng mga nakasanayan nating mga 13th month pay. Mainam sana na magkaroon din ng mga ganito, kaya lamang depende sa kontrata ang mga benefits na maaaring makuha ng freelance workers.
Ang freelance work, kapanalig, gaya din ng informal sector, ay walang kita kapag walang gawa. Kaya pag maliit pa ang kita mo sa larangan na ito, every day counts. Kailangan mong pumasok para siguradong may kita ka.
Ang online work kapanalig, ay malaki na rin ang ambag sa bayan. Dahil dito, nababawasan ang mga unemployed sa ating bayan. Ang mga mamamayan din ay nagkaroon ng pagkakataon na magtrabaho habang nag-aalaga ng mga anak, o di kaya may kasabay na negosyo. Pati mga persons with disabilities ay nabibigyan ng oportunidad na makakuha ng online work.
Kaya sana, bago pa man isipin ng pamahalaan na buwisan ang mga freelance online workers, tiyakin muna nila na ang mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawa gaya nila ay kinikilala at binibigay. Kung hindi kasi tayo mag-iingat sa larangan na ito, maaaring na e-exploit na pala ang mga kababayan natin, tapos babawasan pa natin ang kita nila. Pangalagaan naman natin sila. Ayon nga sa Rerum Novarum, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: it is only by the labor of working men that States grow rich. Justice, therefore, demands that the interests of the working classes should be carefully watched over by the administration, so that they who contribute so largely to the advantage of the community may themselves share in the benefits which they create.
Sumainyo ang Katotohanan.