865 total views
Layunin ng Living Laudato Si Philippines na maisabuhay ang paggamit ng ‘Economy of Francesco’ (EOF) movement sa bansa.
Ito ang mensahe ni Rodne Galicha – Executive Director ng LLSP isang linggo bago idaos ang online workshop na may titulong ‘𝐋𝐢𝐬𝐭𝐞𝐧𝐢𝐧𝐠 𝐭𝐨 𝐭𝐡𝐞 𝐕𝐨𝐢𝐜𝐞𝐬 𝐨𝐟 𝐂𝐡𝐚𝐧𝐠𝐞: 𝐄𝐜𝐨𝐧𝐨𝐦𝐲 𝐨𝐟 𝐅𝐫𝐚𝐧𝐜𝐞𝐬𝐜𝐨 𝐏𝐡𝐢𝐥𝐢𝐩𝐩𝐢𝐧𝐞 𝐖𝐨𝐫𝐤𝐬𝐡𝐨𝐩 𝐟𝐨𝐫 𝐘𝐨𝐮𝐧𝐠 𝐄𝐜𝐨𝐧𝐨𝐦𝐢𝐬𝐭𝐬’.
Ayon kay Galicha, sa tulong ng EOF Movement ay dagliang nasisimulan sa buong mundo ang pagpapanibago sa ibat-ibang sistema sa ekonomiya na makadiyos, makatao at makakalikasan.
Sa tulong ng Online Workshop ay inaasahan ng Living Laudato Si na simulan ng tatlumpung kalahok ang mga adbokasiya ng EOF na tutulungang lumago ang ekonomiya kasama ang mga mahihirap ng hindi sinisira ang kalikasan.
“Ating papalalimin ang isang buong pagtingin sa kabutihang dulot ng isang ekonomiyang tinataguyod ang likas-kayang buhay at kabuhayang nakabubuti sa mamamayan lalung-lalo na sa mga dukha at mahihina habang pinayayabong ang pangangalaga ng kasaganaan at balanse ng kalikasan,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Galicha.
Tampok na tagapagsalita sa gaganaping online workshop sa October 29 sina Rodne Galicha, Viory Janeo – Faculty ng University of Asia and the Pacific at isa sa mga Filipino Delegates ng isinagawang EOF World Meeting noong Setyembre at si John Leo Algo na miyembro ng Youth Empowerment in Climate Action Platform.
“Ang pang-unawa sa kita ay hindi lamang pera kundi ang kabutihan para sa tao at kalikasang pinanunumbalik ang pagkilala at pagmamahal sa Maylikha, tulad ng sabi ng Panginoon kay San Francisco ng Assisi: “Ayusin mo ang aking simbahan”, ito ay hindi lamang ang sambahan kundi ang sangnilikhang magkakaugnay,” ayon pa kay Galicha.
Unang kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga kabataang lumahok sa world meeting ng EOF.