1,251 total views
Homiliya para sa Biyernes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon, 25 February 2022, Mk 10:1-12
“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Paano natin alam kung tunay na pinagsama ng Diyos ang ikinakasal? —Kung ang namamagitan sa kanila ay totoong pag-ibig na mayroong pananagutan (committed love). Kung wala iyon, huwag silang pipilitin na magsama. Kasalanan iyon.
Ang pundasyon ng Kasal ng nag-aasawa, gaya ng ordinasyon ng nagpapari ay isang pananagutan sa Diyos. Sa mag-asawa, hindi ito isang kasunduan lamang ng ikinakasal sa isa’t isa. Ito’y pakikipagkasundo nilang dalawa sa Diyos.
Kaya hindi naman sinabi ni Hesus na sa lahat ng pagkakataon hindi dapat paghiwalayin ang sinumang pinagsama sa kasal. Hindi naman kasi lahat ng kasal ay totoong kasal. Ang iba ay SAKAL, kaya sa AKLAS at KALAS nauuwi. Ang hindi dapat paghiwalayin ayon kay Jesus ay “ang pinagsama ng Diyos.”
Ang dami ko nang nakitang nagsama sa kasal dahil lang sa takot sa magulang, o takot sa iskandalo. Meron pa ngang nagsama dahil sa pera, o pagkakautang, o mga dahilan na walang kinalaman sa pag-ibig. Paano natin sasabihin na pinagsama sila ng Diyos sa mga ganyang sitwasyon? Ok pa sana kung walang pagibig sa umpisa pero tinubuan din naman ng pag-ibig sa pagdaan ng panahon at nagiging totoo. Sa batas ng simbahan (Canon Law) merong mga kasal na tinatawag na “null and void from the start”, ibig sabihin, walang saysay, mula sa simula.
Tungkol naman ngayon sa ating first reading. Mukhang obvious sa tingkin ko kung bakit ang itinambal na pagbasa sa ating Gospel reading ay ang sulat ni Saint James. Pansinin natin ang last few lines ng sinabi ni St James.
Hindi daw kailangang sumumpa pa ang tao sa langit o sa lupa, (o sa Bibliya, o sa watawat). Hindi daw kailangan na bumigkas pa ng anumang uri ng panunumpa. Siguraduhin na lang daw na kapag sinabing “oo”, “oo” talaga ang ibig sabihin, at pag sinabing“hindi”, talagang “hindi” ang ibig sabihin. Iyun ay kung ayaw daw natin na tayo’y mahatulan.
Siyempre, mas madaling sabihin ito kaysa gawin. May mga panahon talaga na napipilitan lang na umoo ang tao nang hindi bukal sa kalooban, hindi ayon sa konsensya, o dahil sa pressure ng sitwasyon, o dahil nadala sa kasinungalingan o panlilinlang.
Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang isang maligayang sandali sa ating kasaysayan, ang EDSA People Power. Isang malinaw na sandali na nanindigan ang taumbayan para sa kapayapaan. Biro mo, kung hindi naglabasan ang mga tao noon at nagpunta sa EDSA, kung hindi sila naglakas loob na pumagitna sa pagitan ng rebeldeng militar at ang mga sundalo ng diktadura, kung hindi sila nagdala ng pagkain, inumin, mga bulaklak, kung hindi sila nagdasal, kumanta at nagrosaryo, kung hindi nangyari iyon baka umagos na ang dugo. Baka ang pumalit sa diktadura ay isa pang diktadura ng isang military junta na tulad ng sa Myanmar.
Pero nanindigan ang taumbayan na tapusin na ang madilim at mahabang panahon ng martial law, ng kawalan ng kalayaan at demokrasya. Walang gumamit ng karahasan o baril, pero nawakasan ang diktadura na nagwasak sa ekonomya ng ating bansa. Nabigyan tuloy ng inspirasyon ang maraming iba pang mga bansa na pwede palang maghangad ng isang mapayapang paraan ng pagbabagong panlipunan. Kasama na roon ang Ukraine na kumalas sa dating USSR noong 1990. Ngayon nilulusob na naman sila ng Russia para agawin ang kalayaan na natamo nila. Tuma-timing ang Russia. Sa tingin nila nakalimot na ang bagong henerasyon ng Ukrainians, at kaya na silang takutin para magpasakop ulit.
Totoo naman na noong una, may mga Pilipinong umoo rin sa martial law dahil sa takot na baka arestuhin sila, tortyurin o patayin. Pero noong nawala ang takot ng tao, kahit armas o tangke, parang biglang nawalan ng kakayahang manakot sa kanila.
Iyun nga lang, totoo rin na ang oo pwedeng magbago, lalo na kapag nakalimot ang tao. Ang malakas kasing sumira ng relasyon ay ang sumbatan, ang batuhan ng hinanakit, ang kawalan ng kababaang loob na umamin ng pagkakamali, magsisi at magtuwid sa mga nagawang kasalanan. Sa madaling salita, ang magsabing OO kung talagang OO at HINDI kung talagang HINDI, ang panindigan ito at ipaliwanag sa susunod na henerasyon.