1,916 total views
Umaasa ang kura paroko ng Sacred Heart of Jesus Parish sa Sta. Mesa Manila na magdulot ng mayabong na pananampalataya ang pagbubukas ng Jubilee Door ng simbahan.
Ito ang pahayag ni Fr. Artemio Fabros sa panayam ng Radio Veritas sa pagdiriwang ng simbahan sa ika – 120 anibersaryo ng Pagdating ng Pagdedebosyon sa Mahal na Puso ni Hesus.
Inihayag ng Pari na sa tulong ng debosyon ay lumago ang ugnayan ng tao sa Panginoon at higit na mapalapit sa simbahan at maging aktibong kasapi ng sambayanan.
“Nawa ito po ay makatulong sa lalong paglalim ng pananampalataya ng mga taga Sta. Mesa at imbitasyon na rin sa ating mga mamamayan na sa Metro Manila o sa iba pang lugar ng Pilipinas na kung may pagkakataon dumalaw po sa Sacred Heart of Jesus Parish para makatanggap din ng indulhensya,” bahagi ng pahayag ni Fr. Fabros.
Pangungunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagbubukas ng Jubilee Door ngayong January 24, 2023 sa alas sais ng hapon kasabay ng pagdiriwang din ng isang dekada mula nang maitalaga ang dambana.
Inaanyayahan ni Fr. Fabros ang mamamayan na makiisa sa gawain at tumanggap ng pagpapala kaakibat ng mga alintuntuning mangumpisal, tumanggap ng komunyon at ipanalangin ang natatanging intensyon ng Santo Papa Francisco.
Sa kasaysayan ng simbahan itinatag ito noong February 11, 1911 at iniatang sa Franciscan Capuchin missionaries ang pangangasiwa.
Kasabay ng pagbubukas sa Jubilee Door ang pagtatalaga kay Fr. Fabros bilang bagong kura paroko ng parokya at tiniyak ang patuloy na pagpapaigting ng mga programang makatutulong sa paghubog ng pananampalataya ng nasasakupang komunidad.