19,150 total views
Inilunsad ng Nuestro Padre Jesus Nazareno – Davao Chapter ang opisyal na tema at logo sa pagdiriwang ng unang dekada ng debosyon sa Poong Jesus Nazareno sa arkidiyosesis.
Nagagalak ang grupo sa paghahanda sa nalalapit na kapistahan ng Poong Jesus Nazareno sa January 9, 2025 kung saan ito ang magiging kauna-unahang pagkakataon na ipagdiriwang ito sa lahat ng diyosesis sa bansa makaraang aprubahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang kahilingang gawing liturgical feast ang nasabing araw bilang pagkilala sa malawak na debosyon ng mga Pilipino sa Jesus Nazareno.
Piniling tema ng grupo sa pagdiriwang ng ikasampung taong Nazareno Fiesta sa lugar ang “Pabilin Kamo kanako, ug Ako magpabilin kaninyo” (John 15:4).
“The logo reflects on our joy and gratitude towards the Poong Jesus Nazareno since its arrival to our community for all the blessings we received through His Merciful Love. It also reflects the missionary character of the community in reaching out to the peripheries and to remain true and faithful to Him and to His promises,” pahayag ng grupo.
Itinampok sa logo ng pagdiriwang ang pulang tela na sumasagisag sa dugo, pawis at luha ng bawat debotong dumudulog sa Poong Jesus Nazareno; ang apat na tao namang nakatuon sa iba’t ibang direksyon habang nasa gitna ang imahe ng Jesus Nazareno ang simbolo ng walang hanggang awa ng Diyos na ipinaabot sa lahat ng dako kung saan naroroon ang mga deboto.
Ang koronang tinik sa hugis ng kalasag ang kumakatawan sa pakikilakbay ng Diyos sa tao sa kabila ng mga paghihirap habang ang bukang liwayway ang tanda ng pag-asa lalo’t sa 2025 ipagdiriwang ng simbahan ang Jubilee of Hope na paalala rin sa mga debotong tatagan ang pananampalataya sa Diyos sapagkat ito ang pinagmumulan ng pag-asa ng bawat isa.
Taong 2015 nang dumating ang Official Replica ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Davao City at kasalukuyang nakadambana sa Our Lady of Peñafrancia GKK Chapel, DECA Tigatto, Buhangin.
Nilikha ni Pangulo sa Batan-on Thony Torres ang logo ng Nazareno 2025 ng Archdiocese of Davao.