565 total views
Nagpaabot ng pagbati ang opisyal ng social action ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dalangin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP NASSA, ang malusog na pangangatawan ng punong ehekutibo upang magampanan ang tungkuling pamahalaan ang mahigit isandaang milyong populasyon ng Pilipinas.
“I would like to greet our beloved President a happy birthday, sana isang pagkakataon ito na magpasalamat ang kanyang pamilya sa mga biyayang mula sa Diyos lalo na ang biyaya ng buhay. Pinagdadasal natin ang kanyang good health at ang guidance ng Holy Spirit,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
September 13, ipinagdiriwang ni Pangulong Marcos Jr. ang ika – 65 kaarawan.
Umaasa si Bishop Bagaforo na ang kaarawan ng pangulo ay magsilbing hamon sa kanyang pamumuno sa bansa na higit itaguyod ang kabutihan ng bawat Pilipino.
“Sana ang kanyang celebration ngayon ng birthday ay magsilbi pang hamon na maging tapat, makatao, at makatarungan ang kanyang administration,” dagdag ni Bishop Bagaforo.
September 13, 1957 nang ipinanganak si PBBM ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Imelda Marcos.
Samantala muling tiniyak ni Bishop Bagaforo ang kahandaan ng simbahan na makipagtulungan sa pamahalaan para sa pagsusulong ng pag unlad ng buong pamayanan.