2,718 total views
Kaduda-duda ang pagpawalang sala ng Sandiganbayan kay Janet Lim Napoles kaugnay sa 16 counts ng graft charges.
Ayon kay EDSA Shrine Rector at CBCP Public Affairs Commission Executive Secretary Fr. Jerome Secillano, bagamat napawalang sala ay nakatatak sa bawat Pilipino ang matinding katiwaliang kinasangkutan ni Napoles kasama ang ilang mambabatas at mataas na opisyal ng pamahalaan.
“It’s of course a tremendous surprise to learn about her acquittal. But, public opinion, where she was apparently found guilty, is totally different from a court decision,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Sa desisyong inilabas ng Sandiganbayan 1st Division, ipinagwalang bisa nito ang 16 na kasong graft and coruption laban kay Napoles sa pork barrel scam na ini-ugnay kay Senator Ramon Revilla Jr.
Ikinatwiran ng anti-graft court na kulang ang mga dokumento at ebidensyang isinumite para patunayang nalabag ni Napoles ang Section 3 (e) ng Republic Act 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang kaso sa akusasyong pinondohan ni Revilla ng 224-milyong piso mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ang bogus on-government organizations ni Napoles.
Unang napawalang sala si Revilla sa kasong pandarambong kaugnay sa pork barrel scam noong 2021 dahil sa kawalang sapat na ebidensya.
Kasabay ng pagpawalang sala ay ipinag-utos din ng Sandiganbayan ang pagtanggal sa Hold Departure Orders kay Napoles.
Sa kasalukuyan ay patuloy pang dinidinig ng korte ang 15 counts graft cases ni Napoles kaugnay sa PDAF ni dating senador at ngayo’y kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile.
Umaapela naman si Fr. Secillano sa mamamayan na maging mapagmatyag lalo na sa mga nanungkulang opisyal ng pamahalaan upang mapangalagaan ang pera ng taumbayan na ipinagkatiwala sa pamahalaan ang pangangasiwa para sa kabutihan ng nakararami.
“Let’s forever remain vigilant so that nothing of this sort may happen again and that true justice may be served,” ani Fr. Secillano.