345 total views
Umaasa ang isang Camillian priest na tulad ng Mahal na Birheng Maria ay malaman at maunawaan ng bawat isa ang kanilang mga gampanin sa buhay.
Ito ang pagninilay ni Rev. Fr. Dan Cancino, MI sa Kapistahan ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria.
Ayon sa Pari na siya ring Executive Secretary ng CBCP – Episcopal Commission on Health Care, kabilang sa mga gampanin ng bawat isa ngayong panahon ng pandemya ay ang pagkakaroon ng accountability o pananagutan.
Paliwanag ni Fr. Cancino mahalaga ang pananagutan ng bawat isa hindi lamang para sa kapwa kundi maging para sa bayan at sa Panginoon.
“Magmula ng siya ay mag-oo sa kalooban ng Diyos hanggang sa paanan ng krus hindi nanghina si Maria sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, alam niya ang kanyang gampanin at nawa itong birthday ng ating Inang si Maria malaman din natin ang ating gampanin. Ang gampanin natin sa panahon ng COVID ay ang gampanin na tinatawag kung tayo ay may accountability sa ating kapwa, tayo ay may accountability sa ating bayan at tayo din ay may accountability sa ating Panginoong Diyos.”pagninilay ni Fr. Cancino sa misa sa Radyo Veritas.
Sinabi ng Pari na mahalagang tupdin ang gampanin na itinatas ng Panginoon sa bawat isa bilang Filipino, anak ng Diyos at miyembro ng komunidad.
Iginiit ni Fr. Cancino na gaano man kaliit o kalaki ang gampanin na ipinagkaloob ng Diyos ay kinakailangan itong magawa bilang isang tunay at ganap na lingkod ng Panginoon.
“Tuparin natin ang ating gampanin bilang Filipino, bilang anak ng Diyos, bilang miyembro ng pamilya, bilang miyembro ng sambayanan, bilang miyembro ng ating mga grupo dahil sa simple, mababang gampanin natin kahit gaano kaliit iyan matutupad natin ang kalooban ng Diyos.” Dagdag pa ni Fr. Cancino.
Kabilang sa mga tinukoy ng Pari na simpleng gampaning dapat tupdin ngayong pandemya ay ang pagsusuot ng face mask, face shield at pagsunod sa mga safety health protocols.