340 total views
Nagpaabot ng pagbati si Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa mamamayan ng Homonhon island sa Guian, Eastern Samar para sa paggunita ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananamapalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Ayon kay Bishop David, Vice President ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mahalaga ang papel na ginagampanan ng isla ng Homonhon sa 500 Years of Christianity sa bansa.
Inihayag ni Bishop David na ang naging mainit na pagtanggap ng mamamayan ng Homonhon sa mga maglalayag na kasama ni Ferdinand Magellan ang maituturing na patabang lupa na hudyat ng pagpapalitan ng kagandahang loob at ng paglaganap ng Mabuting Balita ng Diyos sa Pilipinas.
“Taga-diyan yung mga unang fishermen na lumapit sa barko nina Magellan at sila’y naging mga kaibigan, biro mo nagpalitan sila kaagad ng regalo binigyan sila ng mga regalo ni Magellan at niregaluhan si Magellan ng mga pagkain prutas, buko, tuba at sa ganyang paraan nagsimula ang isang pagpapalitan ng kagandahang loob na para sa akin siyang tunay na patabang lupa para sa Mabuting Balita ng kaharian ng Diyos and the rest is history.” pagbati ni Bishop David
Kaugnay nito, puspusan ang paghahanda ng Diyosesis ng Borongan sa 500 years of Christianity dahil sa naging bahagi ang Homonhon Island sa makasaysayang pagdating ng Kristiyanismo makaraang dumaong sa isla ang grupo ni Ferdinand Magellan noong March 16, 1521.
Bilang bahagi ng selebrasyon, nakadaong na ang Spanish Navy training ship na Juan Sebastián Elcano sa karagatan ng Suluan, Homonhon Island sa Guiuan, Eastern, Samar para sa pitong araw na pagbisita sa Pilipinas upang gunitain ang orihinal na ruta ng Magellan-Elcano expedition 500-taon na ang nakakalipas.
Mananatili ang Juan Sebastián Elcano sa Guiuan, Eastern, Samar hanggang sa ika-18 ng Marso kung saan inaasahan rin ang pakikibahagi nito sa unveiling ng Suluan quincentennial historical marker at fluvial parade sa bahagi ng Manicani island na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Guiuan.
Kasunod nito, magtutungo naman ang barko na Juan Sebastián Elcano sa Cebu mula ika-20 hanggang ika-22 ng Marso upang makibahagi sa ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas.
Bukod sa paggunita sa pagdating ng Kristiyanismo sa bansa ay ginugunita rin ng Pilipinas ang Battle of Mactan kung saan natalo ng hukbo ni Lapu-Lapu ang mga kawal na Kastila na ikinasawi rin ni Ferdinand Magellan.