223 total views
Ikinalungkot ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagpasara sa mga eskwelahan ng mga kabataang lumad sa Mindanao.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, dapat pinag-aralang mabuti ng Department of Education(DepEd) ang hakbang bago nagdeklarang ipasara dahil maraming kabataan ang maapektuhan.
“Nalulungkot ako sa DepEd na pinasara ‘yung eskwelahan instead of making an effort na i-improve itong system ng education,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Mallari na kailangang tulungan ng pamahalaan ang mga eskwelahan ng Salugpungan Ta’Tanu Igkanogon Community Learning Center, Inc. (STTICLCI) na maabot ang batayan at alituntunin na hinihingi ng gobyerno.
Batay sa desisyon ng DepEd region 11 makaraan ang pagsusuri ng five-man fact finding team, hindi ang alegasyon ng ugnayan sa makakaliwang grupo ang dahilan upang ipasara ang 55 eskwelahan ng mga lumad.
Ilan sa lumabas na sanhi ng pagpasara ay ang bigong pagsunod sa curriculum standard na ibinigay ng DepEd 11, paggamit sa mga estudyante sa paglikom ng pondo sa pamamagitan ng pagtatanghal sa ilang mga lugar sa rehiyon na walang sapat na pahintulot sa mga magulang na malinaw na paglabag sa Child Protection Policy ng DepEd.
Lumabas din sa pagsusuri na hindi pasado sa Licensure Examination for Teachers ang mga gurong nagtuturo sa mga eskwelahan, ang operasyon ng mga eskwelahan ay napapaloob sa mga ancestral domain ng katutubong komunidad na ipinag-uutos sa Free and Prior Informed Consent at kawalan ng certification precondition mula sa National Commission on Indigenous Peoples.
Ayon pa kay Jenelieto Atillo, tagapagsalita ng DepEd 11, sa 55 eskwelahan ng STTICLCI na kumuha ng permit sa school year 2019-2019, 28 lamang dito ang kumuha sa mga susunod na taon.
Nilinaw ni Bishop Mallari na bagamat may mga kakulangan ay nakatutulong pa rin ang nasabing mga eskwelahan sa edukasyon upang matuto ang mga kabataang katutubo.
“Atleast may natutuhan ang bata kaysa naman sa isasara wala nang eskwelahan na tutulong sa education ng mga bata,” ani ni Bishop Mallari.
Binigyan diin ng Obispo na mahalaga ang edukasyon sapagkat makatutulong itong mapaangat ang pamumuhay ng mamamayan at makamit ang tagumpay ng kabataan.
Mensahe ni Bishop Mallari sa mahigit 1, 000 apektadong kabataan na manatiling positibo sa kabila ng pagpasara ng kanilang mga eskwelahan at patuloy mangarap sa buhay.
“Dasal ko para sa kanila na magkaroon sila ng tibay, buo at lakas ng loob na tumayo dito sa sitwasyon na mabigat para sa kanila yung pagkakasara ng kanilang eskwelahan,” saad ng obispo.
Umaasa si Bishop Mallari na hindi ito ang wakas tulad ng kasabihan na may bintanang binubuksan ang Panginoon sa bawat pintuang isinasara upang higit pang mapalago ang buhay ng isang tao sa gitna ng mga pagsubok na kinakaharap.
“I hope itong sitwasyong ito ay hindi maging daan para panghinaan sila ng loob at mawalan ng pag-asa kundi maging daan para lalong lumaki ang pag-asa,” sinabi ni Bishop Mallari.