321 total views
Umaasa ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na mayroong matutunan ang bawat isa sa malawakang krisis na idinulot ng COVID-19 pandemic sa buong daigdig.
Ayon kay Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, nawa ay magdulot ng positibong pagbabago hindi lamang sa pananaw kundi sa paraan ng pamumuhay ng mas ligtas at payak ang COVID-19 pandemic sa bawat isa.
Ipinaliwanag ng Obispo na mawawalan lamang ng saysay ang mahigit sa isang taong quarantine na naranasan partikular ng mga Filipino kung babalik lamang ang lahat sa dating paraan ng pamumuhay na hindi lamang nakasasama sa bawat isa kundi maging sa kapaligiran.
“Kung babalik lamang tayo sa dating buhay natin, sinayang lang natin ang crisis na ito. Hindi na tayo natuto sa ating higit na isang taong quarantine. Let us go out of this situation renewed, a world renewed because we have seen that we can survive in a new arrangement, with new ways.” Ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Broderick Pabillo.
Ibinahagi ng Obispo na mayroong mas malalim na dahilan ang Panginoon sa mga nagaganap sa buhay ng bawat isa tulad ng pagpapahintulot na maganap ang COVID-19 pandemic na nagdulot ng malaking epekto sa buhay at paraan ng pamumuhay ng bawat isa sa buong daigdig.
\Ayon kay Bishop Pabillo, maaaring kaakibat ng pangyayaring ito ang mensahe ng Panginoon sa pagkakaroon ng bagong paraan ng pamumuhay ng payak kung saan mas nabibigyang halaga ang samahan o relasyon sa kapwa lalo na sa pamilya at ang pananampalataya ng bawat isa.
“Maybe God allowed this pandemic to happen to tell us that another world is possible. Maaari naman magkaroon ng bagong kalakaran – hindi na masyadong mabilis na buhay, na mas magbigay ng halaga sa pamilya, maaari naman pala tayong magtipid, maaari naman palang maging masaya kasama ang pamilya, maaari naman palang maging generous kahit hirap din tayo, to give more importance to spirituality and relationships.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Partikular namang tinukoy ni Bishop Pabillo ang higit na pagiging mulat ng mga mamamayan sa naging paraan ng pamamahala at pagtugon ng pamahalaan sa krisis na dulot ng COVID-19 sa bansa.
Ipinagdarasal ng Obispo na nawa ay mas higit na nabuksan ang kamalayan ng bawat isa sa mga opisyal at mga pulitiko na tunay na mayroong malasakit sa kapakanan ng taumbayan at sa mga ginamit pa ang pandemya upang manipulahin at kontrolin ang mamamayan.
Sinabi ni Bishop Pabillo na ang karanasang ito sa gitna ng pandemya ay dapat na magsilbing aral at gabay sa pagsala at tamang pagpili ng mga karapat-dapat na mga opisyal na dapat maihalal sa nakatakdang halalan.
“Sana dahil sa COVID experience natin, mas lalong masala natin ang mga pulitiko. Nakita natin ang talagang nagmalasakit sa atin at nakita din natin kung sino ang nagtago lang o ginamit pa ang pandemic para kontrolin ang mga tao. Let us cross to the other side.” Ayon kay Bishop Pabillo.
Una ng binigyang diin ng Obispo na kaakibat ng pagmamahal sa bayan ay ang pagpili ng mga lingkod bayan na tunay na may malasakit at maglilingkod ng tapat at dalisay sa kanyang mga nasasakupan.