385 total views
Umaasa si Cagayan de Oro Archbishop Jose Cabantan na matutugunan pa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling isang taong termino bilang pangulo ng Pilipinas ang mga hinaing at pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Tinukoy ni Archbishop Cabantan ang pangangailangan ng mamamayan sa health care system ng bansa kung saan hirap pa ring malunasan ng pamahalaan ang epekto ng coronavirus pandemic.
Ayon sa Arsobispo, kinakailangan ng Administrasyong Duterte na kumilos pa upang tuluyang matugunan ang suliranin sa sistema ng kalusugan, lalo na sa pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa mamamayan upang maging ligtas sa banta ng virus.
“Dito sa health care system ngayon, I think we’re really telling him to do more… He had done a lot, but also asking them to do more especially with the vaccination… Hopefully, we have more vaccines so that we can easily, ma-achieve natin yung at least 50% or 70% ng target,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Cabantan sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ni Pangulong Duterte sa kanyang ikaanim at huling State of the Nation Address nitong Hulyo 26 na nasa humigit 30-milyong doses na ng COVID-19 vaccine ang natanggap ng bansa.
Inaasahan pa ng pamahalaan ang pagdating ng karagdagang 36-milyong vaccine ngayong buwan at sa Agosto.
“The health and safety protocols we put in place have proven effective in slowing the spread of the virus. But the best solution is still vaccination,” bahagi ng pahayag ni Pangulong Duterte sa kanyang ikaanim at huling SONA.
Samantala, idinadalangin naman ni Archbishop Cabantan na nawa’y sa huling termino ni Pangulong Duterte ay makamtan na ng bansa ang tunay na pagbabago tungo sa mas makabuluhang pag-unlad ng lipunan.
“Hopefully their slogan is pagbabago, may tunay na pagbabago na really it addresses the holistic development of individual persons and the whole persons. So, siguro we’ll pray for that and we hope that he can deliver that in his last year sa government,” ayon kay Archbishop Cabantan.