361 total views
Napapanahon na upang magbago at magbalik loob sa Panginoon ang lahat ng opisyal ng pamahalaan at mga kawani ng Philippine National Police para sa kaligtasan ng kanilang kaluluwa.
Ito ang panawagan sa mga lingkod bayan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles – Chairman, CBCP-Permanent Committee on Public Affairs kaugnay sa pagkamit ng ganap na pagbabago at pagsasaayos ng bayan partikular na ngayong panahon ng Kuwaresma.
Iginiit ng Arsobispo na mahalagang mayroong malinis na konsensiya at intensyon ang lahat ng mga kawani at opisyal ng pamahalaan sa kanilang posisyon dahil sa nasa kanilang mga kamay ang kinabukasan ng buong bayan.
“Ang ating whole government has to be cleansed, ang politika ay napakahalaga sapagkat makapangyarihan yan, siguro pati ang AFP natin bagamat hindi ganun kasing tulad ng pulis na yumayaman dahil siguro sa illegal na pamamaraan. Para din sa kanilang kaligtasan ng kaluluwa nila ay magbalik loob sana sila sa Diyos, huwag magpahamak ng kapwa tao”.panawagan ni Archbishop Arguelles
Batay sa tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula January 2015 hanggang January 2016 ay umabot sa 69 na mga halal na opisyal ng lokal na pamahalaan ang naaresto dahil sa pagkakasangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot kung saan nitong nakalipas na linggo ay inaresto si Senador Leila De Lima sa kasong may kaugnayan sa illegal drug trade sa National Bilibid Prison.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika ang isang mabuting lider ay nararapat na nagpapaalipin, nagpapakumbaba at tunay na naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong sariling interes sa kanyang posisyon at panunungkulan.(Reyn Letran)