352 total views
Dismayado si dating CBCP – President Lingayen-Dagupan Archbishop emeritus Oscar Cruz sa pahayag ni Department of Transportation secretary Arthur Tugade na ang kasalukuyang suliranin ng trapik sa Metro Manila ay isang “state of the mind” lamang.
Hinamon ni Archbishop Cruz ang kalihim ng D-O-T na sumakay sa mga pampublikong transportasyon upang malaman ang sakripisyong tinitiis ng mga commuters araw – araw sa dahil sa sobrang sikip ng daloy ng trapiko sa buong Metro Manila.
“Nakakatawa at nakakapagtaka na meron mga ganoong sinasabi na ‘state of the mind.’ Mabuti siya yung mag – isip at sumakay ng bus para makita niya kung ‘state of the mind,’ lang yun. … Sabihin rin sa mga opisina na pinapasukan na kapag late yung mga empleyado sabihin mo ‘state of the mind,’ yan,” pahayag ni Arcbishop Cruz sa panayam ng Veritas Patrol.
Pinaalalahanan rin ng Arsobispo si Tugade na magdahan – dahan sa binibitawan nitong mga salita at gawan na lamang ng agarang aksyon ang mga problema sa transportasyon ng publiko.
Nakikita naman ng Metro Manila Development Authority o MMDA na dahil sa pagdami ng sasakyan sa EDSA ang dahilan ng pagsikip ng trapiko na umaabot sa mahigit 300 libo ang dumaraan rito araw – araw.
Nauna na ring iminungkahi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo sa pamahalaan na ayusin ang mass transport system upang guminhawa ang kanilang biyahe.
Ipinanukala din Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal na ayusin ang mass transportation,bawasan ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan at magkaroon ng disiplina sa pagitan ng mga commuters at drivers.