2,343 total views
Nakaugat sa pagkahari ng Panginoong Hesus na piniling makiisa sa sangkatauhan- ang Pagka Reyna ng Mahal na Birheng Maria.
Ito ang buod ng pagninilay ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle, D.D., Pro Prefect ng Dicastery for Evangelization sa pagdiriwang ng kapistahan ng pagpuputong ng Korona sa Mahal na Birhen ng Banal na Santatlo sa Santisima Trinidad Parish Malate, Manila.
Ayon sa Cardinal, mahalagang maalala ng mananampataya ang kadakilaan ni Maria na malugod na tinanggap ang iniatang na misyon na maging ina sa Lupa ni Hesus.
“Tinanggap niya ang paanyaya ng Diyos Ama para maging Ina ng Diyos Anak sa biyaya ng Espiritu Santo, tinanggap niya maging ina ng Hari na isisilang, at siya ay naging hindi lamang ina kungdi alagad ni Hesus, kumbaga siya ang uliran na pinagharian ni Hesus, at bilang tao, bilang ina na tao itinuro rin niya kay Hesus itong mahahalgang aral tungkol sa pagiging mabuti niyang Hari, halimbawa,” ayon sa pagninilay ni Cardinal Tagle.
Mensahe naman ni Fr. Carmelo Arada, Jr – Parish Priest ng Santisima Trinidad Parish Malate, ang pagpapatuloy ng pananalangin para sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria upang matupad ang mga mabubuting hangarin sa buhay.
Ayon sa Pari, katulad ng pamayanan ng Malate Manila, nawa ay paigtingin ng mga mananampalataya na gawing huwaran ang Mahal na Birheng Maria sa pagtupad ng mga iniatang na misyon sa kaniya ng Panginoon.
“Si Maria yung huwaran natin bilang tagasunod ni Hesus at inaanyayahan tayo na tuluran natin siya sa kaniyang malalim na pananampalataya at malawig na pagmamalasakit at yung kaniyang buhay ay laging nakaturo sa Diyos, hindi sa kaniyang sarili kungdi sa Diyos, at gayundin din ang buhay ng bawat kristiyano na laging patotoo sa pagmamahal ng Diyos,” ayon naman sa panayam ng Radio Veritas kay Father Arada.
Nawa ayon pa kay Fr. Arada ay manatili din ang pananalangin para sa pamamagitan ni Maria upang maipag-adya ang sanlibutan sa anumang kapamahakan at banta ng digmaan o anumang uri ng sigalot.
Hinimok rin ni Cardinal Tagle ang mga mananampalataya nq iwaksi ang gawain ng mga nagpapanggap na Hari, Reyna o Pinuno na inilalagay sa kahirapan at kalbaryo ang pamumuhay ng kanilang mga dapat na pinamumunuang mamamayan.