246 total views
Mga Kapanalig, kapansin-pansing nitong mga nakaraang linggo, headline lagi sa mga balita ang sunud-sunod na pagkakapatay ng mga pulis sa mga sinasabing tulak ng droga. Mayroon ding mga umano’y sumusuko sa pulisya dahil sa takot na sila ang sunod na mapatay. Bagamat hindi pa pormal na umuupo si President-elect Rodrigo Duterte, tinawag na ng media ang operasyon ng ating kapulisan bilang “Oplan Rody”.
Nadarama na nga ba natin ang “pagbabagong” hatid ng bagong administrasyon? Ito nga ba ang uri ng pagbabagong hinihintay ng mga bumoto kay Ginoong Duterte?
Makailang-ulit na binanggit ni President-elect Duterte ang kanyang pagsang-ayon sa pagbabalik ng parusang kamatayan. Ngunit may kundisyon sa kanyang sinabi: kailangang mapatunayan guilty ang sinumang ilalagay sa death throw. May mga grupong sumusuporta sa kanyang plano, tulad ng Volunteers Against Crime and Corruption o VACC. Pabor ang grupo sa death penalty dahil sa mga karumal-dumal na krimen o heinous crimes sa bansa. Para sa kanila, wala nang karapatang mabuhay ang mga taong gumagawa ng kahalayan at karahasan.
Ayon naman sa mga tumututol sa pagbabalik ng parusang kamatayan gaya ng Simbahan at ng Commission on Human Rights, marami nang pag-aaral na nagpapatunay na hindi epektibo ang death penalty sa pagpigil sa ilang taong gumawa ng krimen. Wala raw malinaw na kaugnayan ang pagpataw ng parusang kamatayan sa pagbaba ng bilang ng heinous crimes.
Sang-ayon din naman si Duterte sa katwirang ito. Sa pahayag niya sa inauguration ni Senator Manny Pacquiao sa Sarangani noong isang linggo, hindi naman daw talaga panakot o deterrent ang death penalty. Ito raw ay retribution o kabayaran ng kriminal para sa maling nagawa. Samakatuwid, buhay ang kabayaran sa krimen. Kung buhay ang nilapastangan, bakit daw hindi rin buhay ang kapalit? Karapat-dapat lamang daw pagbayaran ang inutang, walang labis, walang kulang.
Ang tanong, mga Kapanalig, hindi lang ng Simbahan, kundi ng mga taong napapaisip tungkol sa death penalty: anong uri nga ba ng hustisya, kung mayroon man, ang ibinibigay ng death penalty hindi lang sa mga naging biktima ng karahasan kundi pati na rin sa ating buong sambayanan? Hindi kaya’t karahasan din? Sa pagpapataw ng kaparusahang bitay, hindi ba’t ipinagpapatuloy lamang natin ang kultura ng kasamaan? Tunay nga bang makatarungan ang hindi natin pagsupil sa kultura ng kamatayan?
Ganito po ang punto ng pinakahuling sulat-pastoral ng CBCP na lumabas noong nakaraang linggo. Nakatuon ito para sa mga tagapagpatupad ng batas sa harap ng pagdami ng kaso ng pagpatay sa mga sinasabing nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot at ilan pang kriminal na hindi man lamang nadinig ang kaso sa hukuman. Tinutuligsa ng pastoral letter ang tinatawag na vigilantism o ang pagsugpo sa masasamang elemento sa lipunan batay lamang sa sariling pagpapasya.
Mga Kapanalig, wala sa kamay ng iisang tao o grupo ang pagpapatupad ng batas lalo na kung buhay ang ginagawang kapalit. Tungkulin nating lahat, hindi lang ang mga tagapagpatupad ng batas, na pigilan ang paglaganap ng karahasan. Lumalahok tayo sa paglaganap ng kultura ng kamatayan kung pinipili nating manahimik at manatiling walang pakialam.
Naniniwala at umaasa ang Simbahan na ang lahat ng nagkasala ay may kakayahang pagsisihan ang kanilang nagawa at magpasyang magbago. Ayon nga kay Pope Francis sa mensahe niya sa World Congress Against Death Penalty noong nakaraang linggo, napapanahon ang pagtataguyod ng rehabilitation o pagbabagumbuhay lalo pa’t ipinagdiriwang natin ang Taon ng Awa at Habag. Ang Diyos ng Awa ang siyang nagkaloob ng buhay sa lahat ng Kanyang nilalang, hindi lang sa mga walang kasalanan, pati rin sa mga nagkasala. Kaya’t marapat lamang na pahalagahan ang buhay, at ipagtanggol ito laban sa anuman o sinumang nais tapusin ito, sumailalim man sa proseso o hindi.
Sumainyo ang katotohanan.