35,412 total views
Inilunsad ng Diocese of Tagum ang Oplan Tabang bilang panawagan para sa mga biktima ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Davao del Norte at Davao de Oro.
Patuloy na tumatanggap ng suporta at donasyon ang Social Action Ministry ng diyosesis upang malikom at maipamahagi sa mga lubhang naapektuhan ng sama ng panahon.
Una nang nabanggit ni Tagum SAC director Fr. Jojit Besinga sa panayam sa Barangay Simbayanan na nagsasagawa na rin ng second collection sa mga parokyang saklaw ng diyosesis upang ilaan sa relief operations.
Ibinahagi rin ni Fr. Besinga na mayroon nang food shortage sa mga lubhang apektadong lugar lalo na sa mga katutubong pamayanan dahil sa mga napinsala at saradong kalsada.
“Merong mga food shortage particularly ‘yung mga lugar na very isolated talaga like indigenous people communities. Hindi kasi makadaan doon sa areas sa mga bundok, at hindi na makabili ng pagkain. Wala na ring kuryente at nasira din ‘yung water reservoir.” pagbabahagi ni Fr. Besinga.
Pangunahing pangangailangan para sa relief operations ang pagkain tulad ng bigas, canned goods, noodles, kape, asukal, at maiinom na tubig.
Sa mga nais magbahagi ng in-kind donations, maaari itong ipadala sa Social Action Center sa Sagrado Corazon de Jesus Nazareno Parish sa Apokon, Tagum City.
Tumatanggap din ng cash donations ang SAC Tagum sa pamamagitan ng BPI-Special Collection account na Diocese of Tagum na may account number na 2073-3273-02, o kaya nama’y sa Gcash account na Jojit Besinga sa numerong 0977-823-2311.
Para naman sa karagdagang tanong at impormasyon, maaaring personal na magtungo sa tanggapan ng Sagrada Corazon de Jesus Parish o makipag-ugnayan kay Fr. Besinga.
Sa huling ulat ng Caritas Philippines, umabot na sa halos 218-libong pamilya o 975-libong indibidwal ang apektado ng sama ng panahon sa MIndanao, lalo na sa Davao at Caraga Region.