223 total views
Ikinatatakot na ng isang Obispo ang mabilis na pagtaas ng bilang ng “extra – judicial killings” sa umiiral na war on drugs ng administrasyon na ikinababahala rin ng United Nations at iba pang international human rights group.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, nakalulungkot na ang umiiral na kultura ng pagpatay. Kaya’t hinimok nito ang mga nasa likod ng pagpatay sa kampanya laban sa iligal na droga na makonsensiya sa kanilang iligal na pamamaraan.
“Masyado ng napapansin ng mundo, nakakalungkot na mismong ang nagsasabi ay United Nations. Harinawa ay makonsensya ang mga gumagawa niyan, sapagkat sabi nga, ‘Huwag kang papatay.’ Maliban lang yung self – defense pero may mga taong hindi nagtatangkang pumatay sa iyo, huwag mo namang basta – basta papatayin,” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Veritas Patrol.
Nangangamba rin si Bishop Bacani na maging kultura sa Pilipinas, na isang mapayapang bansa ang kawalan ng due process sa war on drugs ng pamahalaan.
Iginiit ng Obispo na mas marami pa ang napatay sa war on drugs na umiiral ngayon kumpara sa mahigit sa isang dekadang martial law o batas militar sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Ang “Oplan Tokhang” ay kampanya ng PNP para sugpuin ang illegal na droga at krimen sa bansa.
Sa ilalim ng Oplan Tokhang o war on drugs ng pamahalaan, inihayag ni PNP spokesman Sr/Supt.Dionardo Carlos na 895 drug pushers na ang napatay sa lehitimong police operations mula July 1 hanggang August 30, 2016.
Sa ulat ng PNP, 1160 drug users at pushers naman ang napatay outside police operations na patuloy na iniimbestigahan kung sino ang mga may kagagawan.
Sa record ng College Editors Guild of the Philippines, sa ilalim ng Martial Law(1972-1986) sa loob ng 14 na taon, mahigit sa 3,200 katao ang sinasabing pinaslang, 34-na libong indibidwal ang na-torture habang higit sa 70-libo naman ang ikinulong dahil sa hindi pagsang-ayon sa patakaran ng administrasyong Marcos.
Bukod dito nasa higit 75-libong indibidwal rin mula sa buong bansa ang lumapit sa Human Rights Claims Board na biktima ng iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Batas Militar at Rehimeng Marcos.
“Ever since Martial Law, hindi nagkaroon ng ganito karaming pagpatay na nagaganap sa Pilipinas during the time of peace at hindi during war time,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas.
Nauna na ring ipinanawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ipagtanggol ang kasagraduhan ng buhay mula sa sinapupunan hanggang kamatayan.