259 total views
Mga Kapanalig, may isinagawang pag-aaral noong Mayo 2021 ang EON Group at Tangere, mga market research firms, tungkol sa mga pagbabago sa pagtingin ng mga Pilipino sa darating na halalan sa Mayo 2022. Pinamagatang “The Outlook Report on the New Filipino Voter”, sinuri ng pag-aaral ang mga bagong botante kung gaano sila kasangkot ngayon sa halalan, anu-ano ang nakakaimpluwensya sa pagboto, at anu-ano ang mga mahahalagang isyu para sa kanila ngayon.
Talakayin natin ang unang aspeto ng pag-aaral. Lumabas sa research na 97% ng mga sumagot sa survey ay planong bumoto sa Mayo 2022, patunay na tumataas ang interes sa pulitika ng mga botante. Sana ay makita rin natin ito sa voter turnout sa darating na halalan. Noong 2019 kasi, ang voter turnout ng mga edad 25 pataas ay nasa 58% lamang. Mas mababa pa iyon sa 77% voter turnout noong 2016.
Bakit mahalaga ang datos na ito?
Una, maliwanag na nakasulat sa ating Konstitusyon na karapatan ng bawat Pilipino ang bumoto ng mga mamumuno sa bansa. Maging sa Universal Declaration of Human Rights, isinasaad namang ang lahat ay may karapatang lumahok sa pamahalaan ng kanilang bansa sa pamamagitan ng mga pinuno o kinatawang malaya nilang hinirang.
Pangalawa, sa pamamagitan ng pagboto, nakalalahok tayong mga mamamayan sa pulitikal at panlipunang buhay ng ating komunidad. Tandaan nating nasa ating mga kamay ang pagpili ng mga karapat-dapat na mamumuno at mamahala sa ating bansa, kaya’t ang kapakanan ng lahat ang ating isinasaalang-alang sa ating pagboto. Kinikilala maging ng ating Santa Iglesia ang tungkuling ito. Ang pakikilahok ng mga mamamayan ay isang tungkuling dapat tupdin nang malay, may pananagutan, at may pagtanaw sa kabutiang panlahat o common good.
Pangatlo at panghuli, dahil kabilang sa mga sumagot sa survey ay mga nasa edad 25 pataas, magandang indikasyon ito ng pagkakaroon ng interes ng kabataan sa usaping pulitika. Ayon sa Philippine Statistics Authority, sa kabuuang populasyon nating 109 milyon, nasa 29.4 milyon ang kabataang Pilipino at 20 milyon sa kanila ang nasa tamang edad na para bumoto. Sa mahigit 62 milyong botanteng tinataya ng Comelec para sa halalan sa 2022, lumalabas na one-third ang mga kabataan. Kung rehistrado silang lahat, tunay na malaki at malakas na puwersa ang sektor ng kabataan sa eleksyon.
Ngunit hindi ito magiging madali para sa ating kabataan. Sa kanyang apostolic exhortation na Christus Vivit, sinabi ni Pope Francis na ang kabataan ay nasa yugto ng kanilang buhay na sila ay nangangarap at nagpapasya—a time of dreams and decisions. Sa isang banda, nais nilang patuloy na mangarap at ipagpaliban muna ang anumang pagpapasya. Sa kabilang banda, hinihingi ng kanilang realidad ang pangangailangang magdesisyon para sa sarili, sa pamilya, at sa bayan; kabilang dito ang pagpili ng mga lider na tutulong sa kanilang magtaguyod ng kanilang kapankanan. Sa kasalukuyang panahon, nakararanas sila ng takot at para bang napaparalisa sa pagpapasya. Hindi natin sila dapat pabayaang manatili sa ganitong kalagayan. Nasa panahon tayong napakaraming mapagpipiliian at kailangang pagpasyahan, at kaakibat nito ang mabigat na responsibilidad dahil ang kanilang bawat hakbang ay huhubog sa kanilang buhay sa kasalukuyan at hinaharap.
Mga Kapanalig, ang darating na eleksyon ay pagkakataon para sa kabataang Pilipino upang makialam sila sa mga isyu ng bayan at magpasya para sa kanilang kinabukasan. Kaya tumulong tayo sa paghikayat sa kanilang magpa-rehistro at bumoto nang tama. Ang anumang kalalabasan ng pagpasya at pagpili nila sa mga mamumuno sa bayan ay tiyak na tatatak sa magiging landas ng kanilang kinabukasan. Sa ating kabataan, maging inspirasyon sana ang mga salitang ito mula sa 1 Timoteo 4:12, “Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan.”