260 total views
Vatican-Muling nanawagan ang kanyang Kabanalan Francisco sa mananampalataya ng panalangin para sa mamamayan ng China na nahaharap sa panganib dulot ng Novel Corona Virus o COVID-19.
“To pray for our Chinese brothers and sisters. May they find a path to recovery as soon as possible,” apela ni Pope Francis sa ginanap na Weekly General Audience sa Pope VI Hall.
Panalangin ng Santo Papa na nawa ay makahanap agad ng lunas upang tuluyan ng masugpo at mahinto ang nakamamatay na virus na sa kasalukuyan ay umaabot na sa higit 1,000 katao ang nasawi.
Ayon pa sa ulat, ang COVID-19 ay nakahawa na rin sa may 30 mga bansa habang naitala na sa 50 libo ang bilang ng mga taong nagtataglay ng sakit na nagmula sa China.
Bukod sa panalangin, una na ring nagpadala ang vatican ng anim na raang libong face masks sa lalawigan ng Hubei, Zheijang at Fujian bilang pakikiisa at tulong sa mga lugar ng China na higit na apektado ng COVID-19.
Oratio Imperata laban sa COVID-19 sa ‘Walk for Life’
Sa Pilipinas sa kabila ng mga babala sa malakihang pagtitipon, tuloy ang isasagawang taunang Walk for Life kung saan kabilang sa Gawain ang pananalangin ng Oratio Imperata upang mahinto na ang paglaganap ng COVID-19.
Ito ang inihayag ni Albert Loteyro, vice-president ng Sangguniang Layko ng Pilipinas-NCR sa gaganaping simultaneous Walk for Life sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas sa ika-15 ng Pebrero simula alas-4 ng umaga.
“Dahil ang nangyayari ngayon, isasama na sa pagdadasal ang nangyayari ngayon (COVID-19) e buhay po iyon,” ayon kay Loteyro.
Sa Maynila, ito ay isasagawa sa Quezon Memorial Circle.
Pangungunahan naman ni Bishop Broderick Pabillo- ang Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila ang misa kasama ang ilang Obispo at may 30 mga pari.
Ang Walk for Life ay isang paraan ng pananalangin at pagbibigay ng kaalaman sa publiko hinggil sa kahalagahan ng buhay mula sa paglilihi hanggang sa natural na kamatayan.
Gayundin ang pagtutol sa mga panukala at programa ng pamahalaan na banta sa kasagraduhan ng buhay.
“We promote life and the dignity of life, value of marriage and we are against divorce,” ayon pa kay Loteyro.
Hinihikayat din ni Loteyro ang mga dadalo sa pagtitipon na magsuot ng puting t-shirt o ng kanilang organization shirts; magdala ng banners, kandila at Rosaryo.
Maari ring magdala ng payong, extra t-shirt, tubig o mag-suot ng face masks bilang pag-iingat na rin sa kalusugan.
Kasabay din ng pagtitipon sa Maynila ang parehong mga pagkilos sa Arkidiyosesis at Diyosesis ng Tarlac, Lingayen-Dagupan, Cebu, Palo, Cagayan de Oro, Borongan at Gumaca.