239 total views
Tungkulin ng Simbahang Katolika na ipanalangin ang kapakanan ng bayan upang magampanan ng mga lingkod bayan ang kanilang sinumpaang tungkulin.
Iginiit ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity na naaangkop lamang ang inilabas na Oratio imperata para sa mga Lingkod Bayan upang makapag-alay ng panalangin ang bawat mananampalataya sa pagsisimula ng bagong Administrayon na inaasahang maghahatid ng matagal ng hanggad na pagbabago sa lipunan.
“Maganda pong ipagdasal natin yung bagong pamahalaan na magampanan nila ang kanilang tungkulin, so ito po yung nagagawa ng Simbahan para sa pamamahala ang panalangin at malaki pong tulong ng panalangin kaya ang Oratio Imperata, hinihikayat natin lahat ng mga mananampalataya na mag-alay ng panalangin ng isang linggo para po sa papasok na bagong pamahalaan..” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, siyam na araw bago ang opisyal na panunumpa sa katungkulan ng dalawang pinakamataas na lider sa bansa, Nagpalabas ng Oratio Imperata o espesyal na panalangin ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle para mga bagong opisyal ng bansa.
Sa inilabas na Circular Letter ni Cardinal Tagle para sa Arkideyosesis ng Maynila, magsisimulang dasalin ang Oratio Imperata mula ika-21 hanggang ika-29 ng Hunyo na layunin magkaisa ang bawat mananampalataya sa pananalangin para sa pagbabago ng bayan sa pangunguna ng mga bagong opisyal ng bansa.
Kaugnay nito, ika-30 ng Hunyo nakatakda ang opisyal na inagurasyon sa Malacañang ni Incoming President Rodrigo Duterte at habang sa Quezon City Executive House o sa tinaguriang Boracay Mansion naman opisyal na manunumpa sa katungkulan si Incoming Vice President Leni Robredo.
12:37