5,503 total views
Itinakda ng Diocese of Gumaca ang episcopal ordination ni Bishop-elect Euginius Canete, JR., M.J sa December 28, 2024.
Ito ang inanunsyo ni Gumaca Diocesan Administrator Fr. Ramon Uriarte bilang paghahanda ng diyosesis sa pagdating ng bagong pastol.
Gaganapin ang ordinasyon sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral.
Bukod dito itinakda rin ng diyosesis ang canonical possession ni Bishop-elect Cañete sa January 4, 2025 sa San Diego de Alcala Parish Church o Gumaca Cathedral sa Gumaca Quezon.
Matatandaang September 30 nang inanunsyo ng Vatican ang pagkahirang kay Bishop-elect Cañete bilang kahaliling obispo kay Bishop Victor Ocampo na pumanaw noong March 2023.
Sa panayam ng Radio Veritas sinabi ni Bishop-elect Cañete na nakahanda itong harapin ang panibagong misyong iniatang ng simbahan sa tulong at gabay ng Diyos sa pagpapastol sa halos isang milyong katolikong nasasakop ng diyosesis.
Buong kababaang loob na tinanggap ng bagong halal na obispo ang misyong pangalagaan ang Diocese of Gumaca sa tulong ng mga aral at karanasan sa halos sa halos tatlong dekadang pagiging misyonero.
Ipinanganak ang pari sa Mandaue City sa lalawigan ng Cebu noong 1966, nagtapos ng kursong psychology sa University of St. La Salle sa Bacolod City bago ipinagpatuloy ang kanyang philosophical at theological studies sa Maryhill School of Theology sa Quezon City.
Naordinahang pari ng CICM noong 1995 at kumuha ng licentiate degree ng canon law sa Pontifical Gregorian University sa Roma noong 2003.