515 total views
Isinusulong ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang organic farming bilang mapagkukunan ng pagkakakitaan at paraan din ng pangangalaga sa inang kalikasan.
Ayon kay Bishop Pabillo, ito ang magandang isulong sa Palawan upang mapakinabangan ng tama ang mga likas na yaman sa halip na pahintulutan ang mga gawaing nakakasira sa kapaligiran.
Tinukoy ng Obispo ang pagkakaingin at dynamite fishing na talamak sa Palawan dahil sa kahirapan at walang mapagkukunan ng maayos na hanapbuhay.
“Sa lupa namin ay maraming nagkakaingin bunga ng kahirapan ng mga tao kaya nagkakaingin na lang sila na nakakasira naman ng mga kabundukan. Tapos isa rin ay ‘yung ilegal na pangingisda tulad ng dynamite fishing na dapat ‘yan ay maayos na binabantayan ng bantay dagat at the same time ay ang kaalaman ng mga tao tungkol dito,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Sa halos isang taon pa lamang na pamamatnubay ni Bishop Pabillo sa Apostoliko Bikaryato, kanya nang nakitaan ng malaking pakinabang ang mga malalawak na lupain dito upang pagsimulan ng organic farming.
Paliwanag ng Obispo na sa natural na pagsasaka, maliit na pondo lamang ang kakailanganin para mapanatili ito at hindi na rin kakailanganin pa ang mga abono at pesticides dahil maliban sa magastos, ay mapanganib din ito sa kalikasan.
“Sa pamamagitan ng organic farming, trabaho lang ang dapat na kukunin natin kasi makakakuha naman ng mga organic materials para hindi na masira ‘yung ating lupain,” saad ni Bishop Pabillo.
Magmula nang umiral ang COVID-19 pandemic sa bansa, patuloy na isinusulong ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Father Anton CT Pascual ang organic farming sa mga tahanan upang matugunan ang kakulangan sa suplay ng pagkain.
Sa paraan ding ito itinataguyod ang Kilusang Plant-based Diet o pagkain ng mga prutas at gulay tungo sa pagkakaroon ng malusog at malakas na pangangatawan.