2,209 total views
Isinusulong ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan ang organic vegetable production upang makatulong sa hanapbuhay ng mga magsasaka at mapigilan ang lumalalang epekto ng climate change.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, nagsagawa ang apostoliko bikaryato ng libreng pagsasanay upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga magsasaka at ibang mamamayan tungkol sa benepisyo ng organic farming.
Sinabi ni Bishop Pabillo na makabubuti ito sa kalusugan dahil ang nilalayon ng organic technology na maiwasan ang paggamit ng mga abono at iba pang kemikal na bukod sa magastos ay mapanganib rin sa kalusugan.
“Tinuturuan namin ang mga tao kung paano po lumipat sa organic for the reason of health, mas maganda ‘yung organic sa health. At for the reason of economy na hindi masyadong gagastos para sa mga chemical pesticides at chemical fertilizers. Pwede namang mabuhay by means of organic kaya tinutulungan namin sila kung paano gamitin ang organic technology,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Ang organic vegetable production ay kabilang sa mga programa ng AVT-Social Action Center Justice, Peace, and Development, Inc. sa pamamagitan ng Diversified Integrated Organic Farm and Training Center.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo na ang programa ng apostoliko bikaryato ay suportado rin ng Diocese of Cubao na nagbigay ng puhunan upang makapagpatayo ng mga pasilidad para sa farm school at makapagsimula ng organic farming sa iba pang saklaw na parokya.
“Nagpapasalamat kami sa Diocese of Cubao para sa kanilang binigay na tulong, at ito ay gagamitin namin para ipakita at ibahagi sa mga tao ang benepisyo ng organic vegetable production sa kabuhayan, kalusugan, at kalikasan,” ayon kay Bishop Pabillo.
Ang Pilipinas ay isang ‘agricultural country’ na mayroong 30 milyong ektaryang lupain kung saan 47 porsyento nito ay nakalaan para sa sektor ng agrikultura.
Taong 2005 nang simulang kilalanin sa bansa ang kahalagahan ng organic farming sa pamamagitan ng Republic Act 10068 o Promotion and Development of Organic Agriculture in the Philippines, at sinundan naman ito ng pagpasa sa Organic Agriculture Act of 2008 na mas nagsulong sa organic agriculture sa bansa.