40,062 total views
Nagpapasalamat ang Atin Ito Movement sa pakikiisa ng simbahang katolika sa naantalang Christmas convoy patungo sa West Philippine Sea upang manindigan sa patuloy na pang-aangkin ng China at maghatid ng suplay ng pagkain at mga regalo sa mga uniformed personel at mangingisda sa Ayungin Shoal at Lawac Island.
Ang Christmas convoy ay suportado ni Catholic Bishop Conference of the Philippines President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David at Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo.
“We also thank off course the support of the CBCP, you see some of our Bishop to some of our billboards really becoming the ambasssador of this campaign, Bishop Pabillo, Bishop Eniguez, kasama natin sila so West Philippine Sea Ambassadors ang ating mga church leaders as well,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Atin Ito Convenor at Akbayan President Rafaela David.
December 10, napagdesisyunan ng Atin Ito Movement Mothership Kapitan Felix Oca na bumalik na lamang sa Palawan matapos ang pangha-harass ng Chinese Coast Guard at Chinese Maritime Militia habang nasa Kayumanggi Banks ng West Philippine Sea.
Sa kabila ng panghihimok ng Philippine Coast Guard BRP Melchora Aquino sa pangunguna ni Coast Guard Captain Dennis Labay na maging escort ng convoy patungong Lawac Island ay minabuti ng mga Opisyal ng Atin Ito Movement at kapitan ng barko na bumalik ng Palawan upang pangalagaan ang kapakanan ng mga sibilyan at volunteers na lulan ng Kapitan Felix Oca.
Gayunpaman, nakarating pa rin ang ikatlong barko ng supply motorboat Chowee sa Lawac Island noong December 11 pasado ala singko na umaga kung saan naibigay na ang unang bahagi ng mga regalong handog ng Atin Ito Movement.
Ito ay ang mga suplay na 27 solar lamps, 3 boxes ng mga gamot at bitamina, 14 na sako ng bigas, 600 rice packs, 30 packs ng hygiene kits, 90 noche buena bags, 3 boxes ng assorted food items at 3 pang kahon ng mga non-food items.
Tiniyak rin ng Atin Ito Movement ang pakikipagtulungan sa Philippine Coast Guard upang maihatid ang mga regalong handog na lulan ng Kapitan Felix Oca kasama ang mga paparating pa lamang suplay na nalikom ng Atin Ito Movement sa mga susunod na linggo o buwan.
Naging Kaisa rin ang Caritas Manila sa pamamahagi ng regalo ng Christmas Convoy matapos maghandog ng donasyon na aabot sa 10-sako ng bigas at isang kahon ng mga bitamina para sa mga benepisyaryong uniformmed personel at mangingisda sa West Philippine Sea.
Patuloy naman si Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa panghihimok sa mga Pilipino na makiisa sa mga kaparehong gawin upang mapalalim ang kaalaman at higit pang makiisa sa mga inisyatibo ng paninindigan para sa West Philippine Sea na patuloy na inaangkin ng China.
“Maraming salamat sa mga nag-organize nitong Christmas Convoy, at maraming salamat sa mga volunteers na sumama at nakiisa, ito po ay isang mapayapang paninidigan para po sa ating teritoryo, Philippine Territory, hindi naman sila lalabas sa ating Philippine Territory kaya hinihingi natin na sana igalang sila; ang mapayapang gawaing ito ng kabilang panig ng mga Chinese,” ayon sa naman sa mensahe ni Bishop Pabillo na ipinadala sa Radio Veritas.